May kabuuang 46 na gasolinahan sa National Capital Region (NCR) ang kabilang sa fuel subsidy program ng gobyerno, anunsyo ng Department of Energy (DOE) nitong Huwebes.
Ayon sa DOE, karamihan sa mga istasyon ay nasa Quezon City, na may 28. May tig-dalawang gasolinahan naman sa Malabon at Maynila, tig-iisa sa Caloocan at Muntinlupa, at tig-anim sa Las Piñas at Pasig.
Sinabi ng ahensiya na maaaring makita ang kumpletong listahan ng mga gasolinahan sa kanilang opisyal na website.
Sa ilalim ng programa, ang mga kwalipikadong public utility vehicle (PUV) driver ay maaaring makakuha ng P10 na diskuwento kada litro ng diesel, hanggang 150 litro kada linggo. Katumbas ito ng hanggang P1,500 na matitipid kada linggo.
Ayon sa DOE, layon ng programa na makatulong sa mga PUV driver sa gitna ng mataas na presyo ng langis na dulot ng sitwasyon sa Middle East.
Bahagi ang programang ito ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT), na tugon ng pamahalaan para suportahan ang mga sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Ipinapatupad ang programa sa tulong ng Department of Transportation, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, at Land Bank of the Philippines.
Samantala, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin sa isang online briefing noong Miyerkules na inaasahan niyang maipatupad ang programa sa buong bansa sa susunod na linggo para mas marami pang PUV drivers ang makinabang. /Bistado


