Ang probinsya ng Cebu ang itinalagang punong-abala ng 2027 FIBA Women’s Asia Cup para sa unang pagkakataon na idadaos sa Pilipinas ang torneo.
Pormal na inilunsad ng FIBA ang opisyal na tatak at logo ng torneo noong Miyerkules, bilang paghahanda sa kompetisyong gaganapin sa Hulyo 10 hanggang 18 sa bagong bukas na SM Seaside Arena.
Makakaharap ng Gilas Women, na kasalukuyang world No. 30, ang mga nangungunang pambansang koponan sa Asya.
Dinaluhan ang paglulunsad ng mga opisyal, kabilang sina Samahang Basketbol ng Pilipinas president Ricky Vargas at executive director Erika Dy, Philippine Sports Commission Chairperson Patrick Gregorio, at Cebu City Mayor Nestor Archival Sr.
Pinangunahan ni Gregorio ang paglulunsad ng logo ng torneo, na hango sa tropeo ng FIBA Women’s Asia Cup, mga opisyal na kulay at selyo ng Cebu, at mga tradisyunal na disenyo ng paghahabi ng mga Pilipino.
“The FIBA Women’s Asia Cup 2027 provides a platform for the fans in the Philippines to witness the best of women’s basketball right in their own country and for the global fans to experience the passion for the sport in the Philippines,” ani FIBA Asia president Dr. K. Govindaraj.
Ayon kay FIBA Asia executive director Hagop Khajirian, ang Women’s Asia Cup ay magtataas sa antas ng basketbol ng kababaihan sa buong Asya.
“The FIBA Women’s Asia Cup 2027 is another step towards consolidating the gains made in the last few years both in terms of excellence in competition and enhancement of women’s basketball,” ani Khajirian.
Para sa SBP, sumasalamin ang pagho-host ng torneo sa tiwalang ipinagkaloob ng FIBA sa kakayahan ng bansa na magsagawa ng mga pandaigdigang torneo.
“Bringing one of Asia’s premier basketball events to the Philippines reflects the confidence that FIBA has in our ability to organize world-class competitions and in the passion of Filipino basketball fans,” ani Vargas.
Samantala, sinabi ni Dy na ang pagho-host ng torneo ay isang natatanging pagkakataon para sa Gilas Pilipinas Women na maipakita ang mga naging pag-unlad ng pambansang programa.
“Our focus has always been on developing a team that can compete consistently at the highest level in Asia, and having the tournament on home soil provides a platform for our players to inspire the next generation of Filipina basketball players,” ani Dy.


