Malaking bawas sa presyo ng langis ang ipatutupad simula Martes, April 14, matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rollback sa diesel, gasolina, at kerosene.
Ayon sa Pangulo, aabot sa ₱20.89 kada litro ang ibababa sa diesel, ₱4.43 kada litro sa gasolina, at ₱8.50 kada litro sa kerosene. Sinabi niya na makakatulong ang rollback sa mga driver, commuter, at pamilyang Pilipino na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis.
Gayunman, inamin ng Pangulo na hindi pa sapat ang hakbang na ito.
“Hindi pa ito sapat. Kaya tuloy-tuloy ang ginagawa ng pamahalaan para maibsan ang epekto nito sa inyong pang-araw-araw na buhay,” diin niya.
“Hindi po tayo titigil hangga’t hindi natin napapababa ang gastos sa biyahe, sa pagkain, at sa kabuuang pamumuhay ng ating mga kababayan,” ani Marcos.
Ayon pa sa Pangulo, may mga susunod pang hakbang at tulong na ilalabas ang pamahalaan sa mga darating na araw at linggo. /Bistado


