Lumagpas sa P4.4 bilyon ang kabuuang benta ng KADIWA ng Pangulo (KNP), bunsod ng paglakas ng Benteng Bigas, Meron Na! program ng administrasyong Marcos.
Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), umabot sa P4.42 bilyon ang benta ng KADIWA mula July 2022 hanggang July 20, 2026. Mahigit 12 milyong mamimili ang napagsilbihan sa 22,178 marketing activities sa buong bansa.
Malaking bahagi ng benta ang nagmula sa P20 Rice Project: Benteng Bigas, Meron Na!, na inilunsad noong May 2025 para sa senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, minimum wage earners, public transport workers, indigents at rehistradong magsasaka at mangingisda.
Sa mahigit isang taon, nakapagtala ang programa ng P2.4 bilyong benta matapos maipamahagi ang 121,271 metriko toneladang bigas sa tinatayang 12.1 milyong benepisyaryo.
Umabot na sa 805 ang aktibong Benteng Bigas selling sites, kabilang ang 295 na may regular na bentahan. Naipatupad na rin ang P20 Rice Program sa 57 lalawigan, habang mayroon nang 827 regular na KADIWA outlets sa bansa.
“Pinatutunayan ng KADIWA na ang mas matatag na merkado para sa ating mga magsasaka ay nangangahulugan din ng mas abot-kayang pagkain para sa mga pamilyang Pilipino. Sa pagpapaikli ng value chain, nababawasan ang mga hindi kinakailangang gastos habang sinisigurong mas malaki ang kita ng mga magsasaka mula sa kanilang ani,” ani Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.
Hindi lamang bigas ang saklaw ng KADIWA. Nakapag-accredit na ang DA ng 187 suppliers at consolidators para mapalawak ang direktang bentahan ng mga magsasaka, mangingisda at agribusiness enterprises.
“Ang bawat sako ng bigas na naibebenta sa ilalim ng P20 Project ay higit pa sa pagiging abot-kaya. Sumasagisag ito sa pangako ng pamahalaan na walang Pilipinong maiiwan habang bumubuo tayo ng mas matatag at mas matibay na pamilihan para sa ating sektor ng agrikultura,” ani Assistant Secretary Genevieve E. Velicaria-Guevarra, pinuno ng DA Agribusiness, Marketing and Consumer Affairs at KADIWA ng Pangulo. /Bistado


