Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DOLE aagapay sa MSMEs sa pagpapatupad P85 wage hike

Magbibigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng tulong sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na maaapektuhan ng P85 minimum wage increase sa Metro Manila.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, gagamitin ng DOLE ang Adjustment Measures Program (AMP) para tulungan ang maliliit na negosyo na harapin ang dagdag na labor cost nang hindi agad nasasagad ang kanilang kapital.

Sa ilalim ng programa, maaaring pondohan ng DOLE ang kagamitan at iba pang hakbang na magpapataas sa productivity ng negosyo. Sa ganitong paraan, mailalaan ng mga employer ang kanilang kapital sa dagdag-sahod.

“Halimbawa po, ‘yung cash register machine ng isang restaurant—’yung isang POS, kung kakailanganin—puwedeng pondohan po ‘yun ng DOLE para ‘yung extra capitalization nila ay magamit doon sa wage adjustments,” ani Tolentino.

Nagbibigay ang AMP ng financial assistance at iba pang intervention para mapatatag ang MSMEs laban sa economic disruptions. Saklaw nito ang capacity-building, business enhancement, product development, labor compliance at industrial peace-building measures.

Alinsunod ang programa sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang MSMEs sa pamamagitan ng pagsasanay, mas malawak na access sa financing at mas maayos na serbisyo ng pamahalaan.

Ang P85 wage increase sa National Capital Region (NCR) ay ipatutupad sa dalawang tranche. Magkakaroon ng P60 dagdag sa July 25, 2026 at P25 sa January 20, 2027.

Sa ganap na implementasyon, aabot sa P780 ang daily minimum wage sa non-agriculture sector. Magiging P743 naman ito sa agriculture, service at retail establishments na may 15 o mas kaunting empleyado, at manufacturing firms na may wala pang 10 regular workers.

Sinabi rin ni Tolentino na maaaring maghain ng aplikasyon para sa exemption ang mga kuwalipikadong negosyo sa loob ng itinakdang 75 araw.

“Meron pong mga pathway para ma-exempt sila. They have 75 days under the law to file an exemption certificate sa DOLE, lalong-lalo na ‘yung may pangangailangan,” dagdag niya.

Gayunman, dadaan ang aplikasyon sa pagsusuri at kailangang matugunan ng employer ang mga itinakdang requirement at qualification.

Hinikayat din ni Tolentino ang MSMEs na palakasin ang kanilang representasyon sa tripartite wage-setting process para marinig ang kanilang mga alalahanin sa mga susunod na talakayan sa sahod. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles