Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Batanes, next na target ng China?

Nagbabala sina SeaLight director Ray Powell at dating Surigao del Norte Rep. Robert “Ace” Barbers na hindi dapat balewalain ang salaysay ng ilang Chinese scholar na bahagi umano ng China ang Batanes.

Sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City, sinabi ni Powell na dapat suriin ang pahayag kasabay ng galaw ng China sa karagatan.

“The Batanes claim cannot be separated from what China is doing on the water,” giit ng military analyst.

Mula Hunyo 1, nagsasagawa ang China Coast Guard ng tuloy-tuloy na patrol sa silangan ng Taiwan hanggang Philippine Sea. Inilalarawan ng Beijing ang mga operasyong ito bilang proteksiyon sa sovereign rights at interests ng China.

Ayon kay Powell, magkaugnay ang bagong salaysay sa soberanya at ang mga patrol na ikinakatuwiran din sa usaping soberanya. Lumampas na ang operasyon sa nine-dash o 10-dash line, West Philippine Sea at first island chain na dating hangganan ng maritime claims ng Beijing.

Mahalaga ang Batanes at Bashi Channel sa Pilipinas at China. Hilagang bahagi ito ng bansa at sakop ng lehitimong karapatan at interes ng Pilipinas. Sa oras ng blockade o sigalot, puwede ring daanan ang lugar sa pagdadala ng suplay patungo sa Taiwan. Sa terminong militar, tinawag ni Powell ang Batanes na “key terrain.”

Nag-ugat ang kontrobersiya sa symposium noong Hunyo 30 sa Jinan University sa Guangzhou. Dumalo rito ang mga iskolar mula Nanjing University, Chinese Academy of Social Sciences at iba pang institusyon. Nagkaisa umano silang sabihing natural na heograpikong dugtong ng Taiwan ang Batan Islands at pag-aari ito ng China.

Unang lumabas noong Hulyo 2 sa South App ng Newsgd.com ang ulat tungkol sa symposium. Idinaos ang talakayan kasunod ng plano ng Pilipinas at Japan na simulan ang pormal na negosasyon sa hangganang pandagat sa silangan ng Taiwan.

Hindi pa nagdedeklara ang Beijing na bahagi ng China ang Batanes. Hindi rin sumagot ang Chinese Embassy sa mga tanong ng media kung posisyon ng gobyerno ang pahayag ng mga iskolar.

Pero sinabi ni Powell na hindi sapat ang pananahimik bilang patunay na tinanggihan ng China ang pag-angkin.

“Do not mistake silence for restraint,” babala niya.

Ipinaliwanag ni Powell na hindi na kailangan ng pormal na pahayag kapag nagpapatrolya na ang Coast Guard sa lugar na iniuugnay sa bagong claim. Para sa kanya, ipinakikita ng patrol ang posisyon ng gobyerno.

Nauna nang gumamit ang China ng mga salaysay sa kasaysayan at batas para bigyang-katwiran ang unti-unting paglawak ng maritime claims nito. Ayon kay Powell, nagsisimula ang proseso sa paglalatag ng sinasabing lehitimong karapatan. Sinusundan ito ng pagbuo ng kasaysayang susuporta sa salaysay bago iharap bilang matagal nang claim.

Tinawag naman ni Barbers na panibagong pambubully ang usapin sa Batanes at Bashi Channel. Para sa dating mambabatas, kailangan ng China ang mga salaysay para suportahan ang kilos sa dagat at hangarin nito sa teritoryo.

“This is what we call creeping invasion,” giit ni Barbers.

Sa pagsusuri ni Powell, lampas pa sa 10-dash line na makikita sa 2023 standard map ng China ang bagong patrol at mga salaysay.

“What will the next standard map look like?” tanong niya.

Nagbabala si Powell na puwedeng isama ng China sa susunod na opisyal na mapa ang tubig sa silangan ng Batanes, pati ang mismong lalawigan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles