Hindi awtomatikong ibinabasura ng korte ang kopya o duplicate ng ebidensya dahil kinikilala na ng umiiral na rules of evidence ang iba’t ibang paraan ng pag-authenticate sa video at electronic evidence.
Ito ang paglilinaw ni House Prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno nitong Sabado sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City. Tinanong siya kung kailangan bang iharap ng prosekusyon ang una o pisikal na “original” recording ng umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Diokno, lumayo na ang mga korte sa lumang mahigpit na tuntunin na kailangang ibasura ang photocopy o duplicate kapag hindi maiprisinta ang original.
“Basta wala namang tunay na issue sa kopya, tinatanggap na ng ating mga korte ang mga photocopy or duplicates,” ani Diokno.
Puwedeng tanggapin ang duplicate kapag pinatunayan ng testigo na tumpak nitong kinopya ang pinagmulang materyal.
“Basta masabi ng testigo, magkapareho lang yan, it’s a faithful reproduction, sapat na yan kahit na photocopy siya,” paliwanag niya.
Hindi rin iisa ang paraan ng pagpapatunay sa pagiging tunay ng video.
“Yung pagdating sa video, may mga iba’t ibang klase ngayon ng pag-authenticate ng video,” saad ni Diokno.
Puwedeng mag-authenticate ang mismong taong kumuha ng footage. Puwede rin ang testigong personal na nakasaksi sa pangyayaring makikita sa recording.
“Meron din kahit hindi siya cameraman pero andun siya, napanood niya mismo ng kanyang mga mata, ma-authenticate din niya yan,” ani Diokno.
Kinikilala rin ang authentication sa pamamagitan ng social media platform na pinagmulan ng electronic evidence.
“Pwede rin nilang i-authenticate yung galing sa kanilang social media platform. And these are evolving methods of authentication,” dagdag niya.
Sinabi ni Diokno na patuloy na humahabol ang rules of evidence sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya.
“Palaging nahuhuli ang batas sa nangyayari sa teknolohiya,” aniya.
“Ngayon pa lang actually humahabol yung rules natin of evidence pagdating sa ganitong mga klase ng pag-authenticate,” dagdag niya.
Sinabi naman ni House Prosecutor at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na sinunod ni National Bureau of Investigation Senior Agent John Mark Calilung ang kinikilalang proseso sa pag-authenticate sa mga video recording na iniharap sa unang linggo ng impeachment trial.
“Yung proseso na yan, yan ang sinunod niya,” ani De Lima.
Hindi kailangang ang taong pumindot sa record button ang mismong magpatunay sa video, basta nasunod ang kinikilalang proseso ng pag-authenticate.
“Kahit hindi siya mismo talaga ang nag-record noon, because of this process of authentication which is admitted in court, yung ganyang proseso,” saad ni De Lima.
Sinabi rin niyang sinusuportahan ng karanasan ni Calilung ang kakayahan nitong tumestigo tungkol sa pag-authenticate ng video.
“He’s already able to testify in at least 30 cases on the matter of authentication of videos,” ani De Lima.
Iginiit niyang naipakita ng prosekusyon na nasunod ang itinakdang proseso.
“Malinaw na yung pinakaproseso ng authentication ay sinunod niya kaya napatunayan na tunay yung ebidensya, tunay yung video recording,” saad niya.
Nilinaw ni Diokno na hindi nakasentro ang legal na usapin sa pagkakaroon ng iisang pisikal na kopya gaya ng lumang analog recording. Sinusuri kung faithful reproduction ang file at kung mapatutunayan ng kuwalipikadong testigo ang pinagmulan, integridad at pagiging tunay nito.
Patuloy ding nililinaw ng mga korte at Supreme Court ang authentication ng social media posts, downloaded recordings at iba pang digital materials.
“Paano ba, let’s say, post sa Facebook, paano mo i-authenticate yan? Ngayon lang lumalabas yung mga kinaklaro ng ating Supreme Court kung paano dapat gawin yan,” ani Diokno. /Bistado


