Arestado ang isang babaeng high-value drug suspect habang nasa P204 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa buy-bust operation sa Las Piñas City nitong Sabado, September 19.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), naaresto ang 40-anyos na suspek na alyas “Girlie,” residente ng Lubao, Pampanga, sa BF International Village.
Narekober mula sa kanya ang humigit-kumulang 30 kilo ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P204 milyon.
Dadalhin ang nakumpiskang droga at iba pang ebidensya sa Forensic Group Southern Police District sa Taguig City para sa laboratory examination at kaukulang processing.
“We will sustain decisive law enforcement efforts against those who profit from the illegal drug trade,” pahayag ng PNP.
Samantala, pinaalalahanan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang courier companies at delivery riders na magbantay laban sa paggamit ng lehitimong delivery services sa pagpapadala ng ilegal na droga at iba pang kontrabando.
Ginawa ang paalala matapos magreport ang dalawang motorcycle delivery riders sa Marikina City ng kahina-hinalang parcels na ipinadadala sa kanila.
Nadiskubre ng pulisya ang hindi bababa sa P150,000 halaga ng ilegal na droga sa mga parcel.
“We are reminding all courier companies and delivery personnel: Be vigilant. Do not allow your legitimate business to be unknowingly used as a tool by criminal syndicates in transporting illegal drugs or other contraband,” ani NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano.
Hinimok din niya ang mga courier at delivery company na sanayin ang kanilang personnel upang matukoy ang mga suspicious transaction. /Bistado


