Huling nasilayan sa mga ganap sa showbiz si Anthony Jennings noong 2024, matapos ang kontrobersyal nitong “cheating issue” sa dating girlfriend at sa aktres na si Maris Racal.
Inakala nga daw niyang hindi na siya makakabalik pa o tatanggapin sa showbiz dahil sa mga pangyayari kahit pa nga marami noon ang nagsasabing may maganda siyang future sa pag-arte dahil sa kanyang pagiging natural actor.
Sa isang event kamakailan ay humarap sa media si Anthony dahil bukod sa ipinagmamalaki niyang bagong movie project ay mayroon siyang product endorsement na pinu-promote.
“Hindi ko talaga inakala na may magtitiwala sa akin uli. Inisip ko na marahil ay matatagalan pa siguro bago ako uli makabangon,” sambit ni Jennings na taglay pa rin ang pagiging kenkoy at palabirong karakter.
Sa loob nga daw ng halos dalawang taon na halos wala siyang “active” involvement sa showbiz ay sobra daw talaga niyang in-assess at inalisa ang mga nangyari at mga pagkakamaling nagawa.
“Siyempre with the help and support of my family, yung mga taong nandiyan at hindi bumitaw, mas madali kong natanggap lahat ng pagkakamali ko,” sey nito.
“Basta happy ako, masaya ako sa ngayon at masasabi kong pinatatag ako ng mga wrongdoings ko at natuto talaga ako. Marami akong natutunan sa mga pagkakamali ko,” seryoso nitong sambit.
“Be a good person,” ang buod umano ng lesson na kanyang sinusubukang laging bitbit ngayon sa lahat ng kanyang mga gawain.
“Always be a good person, and everything will follow,” dugtong nito.
Ang latest ngang project na nagawa ni Anthony na soon ay mapapanood na sa iWant ay ang “Nurse the Dead,” isa itong comedy series na kinunan sa Los Angeles, California.
Kasama niya rito ang ilan sa mga pinoy artists na doon na naka-base sa USA gaya nina Princess Punzalan, Tootsie Guevarra, Gigette Reyes at Ruby Rodriguez at iba pang mga pinoy actors doon.
Pinagbibidahan din ang may pagka-supernatural story ng Nurse the Dead ng fil am host na si Jelynn Malone.
Inilarawan ni Anthony na very smooth ang naging trabaho nila dahil sa presence ng magagaling na pinoy actors na pawang mga natural din daw umarte at magtrabaho.
“Para nga lang nandito kami sa Pilipinas nagtatrabaho. Mabilis, makulit, magagaling. Yun nga lang, medyo malaking adjustment ang ginawa ko dahil sa American humor na ibang-iba sa humor ng mga pinoy. But all in all, sobrang maganda at masaya yung work,” kwento pa ni Anthony.


