Umabot sa 201.7 millimeters (mm) ang ulang naitala sa Science Garden Station sa Quezon City sa loob lamang ng limang oras nitong Lunes, August 17, dahilan upang bahain ang malaking bahagi ng Metro Manila.
Batay sa datos ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), naitala ang naturang dami ng ulan mula alas-9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon. Mahigit 138 mm—mahigit kalahati ng kabuuang volume—ang bumagsak sa loob lamang ng dalawang oras mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-2 ng hapon.
“Napakalaki pong bahagi ng Metro Manila na nabaha. Iyan po ay dahil sa sobra pong volume,” pahayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando “Don” Artes.
Halos katumbas ng kalahati ang limang-oras na rainfall sa 455 mm na naitala sa Quezon City sa loob ng 24 oras noong September 26, 2009, nang manalasa ang Tropical Storm Ondoy. Kinukumpirma rin ng climatological records ng Pagasa ang 455 mm bilang pinakamataas na daily rainfall sa Science Garden.
Nilinaw naman ni Pagasa Administrator Nathaniel Servando na hindi kapareho ng ulan noong Ondoy ang rainfall pattern nitong Lunes.
“Heavy rainfall was continuous for about six hours during Ondoy. The (recorded rainfall in Quezon City) reached 341 mm. in six hours,” ani Servando.
Hindi tuluy-tuloy ang parehong lakas ng ulan nitong August 17. Ayon kay Servando, humina muna ang buhos bago muling lumakas.
“There was a surge. There was heavy rainfall during the five-hour window. It weakened after an hour, and a surge was observed again at around 2 p.m.,” paliwanag niya.
Sinabi ng MMDA na umapaw ang tubig sa Estero de Sunog Apog pumping station sa Manila at sa San Juan River. Dahil dito, hindi madaanan ng mga sasakyan ang ilang bahagi ng G. Araneta Avenue at E. Rodriguez Avenue.
Nakadagdag din sa mabilis na pagbaha ang basang-basang lupa dahil sa sunod-sunod na malalakas na ulan nitong mga nakaraang araw.
Gayunman, sinabi ni Artes na mabilis ding humupa ang tubig sa maraming lugar dahil gumagana ang mga pumping station.
“Mga 30 minutes to one hour after ng sobrang lakas na ulan, nawawala naman at nagiging passable yung areas. May mga naiiwan na lang na ilan na sobra ang inilalim ng tubig,” aniya.
Nag-deploy ang MMDA ng flood-control teams upang linisin ang mga drainage at tumulong sa mga residenteng at motoristang naapektuhan.
Inaasahan ng Pagasa na patuloy na magdadala ng ulan ang habagat sa malaking bahagi ng bansa, partikular sa Luzon at Western Visayas. Pinag-iingat ang publiko sa posibleng flash flood at landslide. /Bistado


