Lilipat sa alternative learning modes ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila at 14 na probinsya ngayong Martes, August 18, habang alternative work arrangements naman ang ipatutupad sa mga tanggapan ng gobyerno dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Inilabas ng Malacañang ang Memorandum Circular No. 128 nitong Lunes sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at kasunod ng heavy rainfall warnings ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sakop ng direktiba ang National Capital Region (NCR), Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna at Occidental Mindoro.
Inatasan ang mga government office sa mga lugar na ito na magpatupad ng “appropriate alternative work arrangements.”
Tuloy ang operasyon ng mga ahensyang nagbibigay ng basic at healthcare services, disaster preparedness at response, at iba pang vital services.
Alternative learning modes ang gagamitin sa lahat ng antas sa public at private schools maliban kung may ibang direktiba ang kani-kanilang local chief executive.
Maaari ring magpatupad ang local chief executives ng localized class o government work suspension sa mga lugar na hindi sakop ng circular. Para sa private companies, nasa management ang desisyon kung magsususpinde ng trabaho o gagamit ng alternative work setup.
Nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto ang circular sa awtoridad ng Pangulo at agad itong nagkabisa.
Samantala, monsoon rains ang mararanasan sa Benguet, La Union, Pangasinan, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro. Posible ang flash flood at landslide dahil sa heavy to intense rains.
Occasional rains naman ang inaasahan sa Metro Manila, Ilocos Sur, Abra, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Nueva Ecija, Laguna, Rizal, Oriental Mindoro at Antique.
Scattered rains at thunderstorms ang tatama sa Negros Island Region, nalalabing bahagi ng Luzon at Western Visayas. Isolated rain showers naman ang posible sa nalalabing bahagi ng Visayas at Mindanao dahil sa habagat at localized thunderstorms.
Moderate to strong winds at moderate to rough seas ang inaasahan sa northern at western sections ng Luzon at eastern section ng Mindanao. Sa ibang lugar, light to moderate winds at slight to moderate seas ang forecast.
Sa 3 a.m. forecast, namataan ang isang low pressure area (LPA) 1,115 kilometro silangan ng Northern Luzon.
As of 8 a.m. nitong August 18, mino-monitor sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang LPA 08f at mayroon itong “HIGH” chance na maging tropical depression sa loob ng 24 oras.
Binabantayan din sa labas ng PAR ang LPA 08g, na mayroon ding “HIGH” chance na maging tropical depression sa susunod na 24 oras.
May isa pang tropical depression na mino-monitor sa labas ng PAR. Walang ibinigay na lokasyon o iba pang detalye tungkol dito sa update. /Bistado


