LEGAZPI CITY – Ibinaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Miyerkules ang status ng Mayon Volcano mula Alert Level 3 patungong Alert Level 2 matapos humina ang aktibidad nito.
Ang Alert Level 2 ay nangangahulugan ng moderate level of unrest, habang ang dating Alert Level 3 ay tumutukoy sa magmatic unrest at mas mataas na posibilidad ng hazardous eruption.
Batay sa monitoring network at araw-araw na obserbasyon ng Phivolcs, pangkalahatang bumaba ang unrest ng Mayon mula July 23.
Nabawasan ang Strombolian events, lava effusion, rockfall mula sa gumuguhong lava at pyroclastic density currents (PDCs) sa summit crater.
Huminto rin noong July 22 ang pag-usad ng active lava flows sa Mi-isi, Bonga at Basud Gullies sa layong 2.7 kilometro, 3.2 kilometro at 3.8 kilometro mula sa bunganga. Senyales umano ito na tumigil ang paglabas ng sariwang magma mula sa crater sa panahong iyon.
Bumaba sa average na 12 kada araw mula July 23 ang lava collapse-fed rockfall. Malayo ito sa average na 278 kada araw mula nang magsimula ang eruption noong January 6.
Wala na ring naitalang discrete Strombolian activity matapos ang huling insidente noong July 26, habang ang huling PDC activity ay naitala noong July 28.
Tinatayang 89 milyong cubic meters ang kabuuang inilabas na lava, kabilang ang rockfall at PDC deposits.
Humina rin ang volcanic earthquakes mula sa monthly average na 57 kada araw patungong 13. Bumalik na rin sa pre-eruption level ang real-time seismic energy release (RSAM).
Umabot naman sa record average na 13,128 tonnes kada araw ang sulfur dioxide emission noong June 11 bago ang peak Strombolian activity. Nasa average na 2,450 tonnes kada araw ito mula nang magsimula ang eruption at 2,163 tonnes kada araw mula July 23.
Bagama’t posibleng tumigil ang magma supply sa summit crater, nagpapakita ang patuloy na degassing, ground deformation at microgravity data na may mga magma batch pa ring pana-panahong pumapasok sa imbakan sa ilalim ng bulkan.
Nanatili ring generally inflated ang volcanic edifice mula January 2025 at pressurized pa rin kumpara sa normal na kondisyon.
Binalaan ng Phivolcs na hindi nangangahulugang tapos na ang unrest dahil lamang sa pagbaba ng alert level.
“The public is strongly advised to be vigilant and refrain from entering the 6-km.-radius Permanent Danger Zone (PDZ) to minimize risks from sudden minor explosions or phreatic eruptions that could generate volcanic hazards, such as short-range PDCs, rockfall, ballistic projectiles, and landslides. Thin ashfall could also be experienced downwind of the Mayon edifice in the event of minor explosions, phreatic eruptions, or lava collapse-fed PDCs,” ayon sa Phivolcs. /Bistado


