Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Alas Pilipinas pinadapa ang Uzbekistan sa panimula ng AVC Women’s Cup

Sinimulan ng Alas Pilipinas ang kampanya sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Women’s Cup sa pamamagitan ng 25-16, 25-12 panalo kontra Uzbekistan sa Pool A nitong Sabado.

Nanguna ang mga beteranang sina Alyssa Valdez, Jovelyn Gonzaga at Ces Molina sa panalo na ikinatuwa ng mga dumayo sa Candon City Arena sa Ilocos Sur.

Huling naglaro magkakasama ang tatlo noong 2019 Southeast Asian Games sa Maynila at ngayon ay muling nagsanib-puwersa kasama si interim coach Shaq Delos Santos.

Susunod na haharapin ng Alas ang malakas na koponan ng Australia ngayong Linggo ng hapon.

Matapos komportableng makuha ang unang dalawang set, tuluyang lumayo ang Philippine women’s volleyball team sa ikatlong yugto ng laban sa pamamagitan ng maagang 8-3 abante.

Walang ibinigay na pagkakataon sa Uzbekistan upang makabalik sa laro.

Si Valdez, na huling naglaro para sa pambansang koponan tatlong taon na ang nakalilipas, ay umiskor ng 14 puntos.

Maaasahan pa rin si Gonzaga, ang pinakamatandang manlalaro ng Pilipinas sa edad na 34, matapos magtala ng 12 puntos, habang nag-ambag naman si Molina ng 11 puntos.

Nagningning din si Niña Ytang sa kanyang debut para sa Alas Pilipinas matapos magtala ng 12 puntos mula sa walong kills at apat na blocks.

Pinatakbo ni Kyle Negrito ang opensiba habang salitan ang mga libero na sina Kyla Atienza at Alyssa Eroa sa pagprotekta sa depensa.

Si Malikakhon Tursunpulatova ang nag-iisang manlalaro ng Uzbekistan na umabot sa double digits matapos magtapos na may 10 puntos.

Sinimulan naman ng Vietnam ang pagtatanggol nito sa titulo sa pamamagitan ng 25-3, 25-13, 25-14 na panalo laban sa Lebanon.

Nagtala si middle blocker Nu Anh Le ng 12 puntos mula sa 10 attacks at dalawang service aces, habang si Thi Uyen Nguyen ay may 11 puntos mula sa siyam na attacks at dalawang aces.

Nag-ambag naman si TTB Thuy ng siyam na puntos mula sa walong attacks habang itinakda ng Vietnam ang bilis ng kompetisyon sa Group B.

Pinangunahan ni Shantalle Marie Demirjian ang Lebanon sa kanyang walong puntos mula sa pitong attacks at isang block.

Sa isa pang laban sa Group B, tinalo ng Kazakhstan ang Hong Kong, 20-25, 25-17, 25-16, 25-13.

Umiskor si Tatyana Yatskiv ng 25 puntos mula sa 22 attacks, dalawang service aces at isang block. Nagdagdag si Yulia Fomenko ng 13 puntos, kabilang ang anim na blocks, habang si Aigul Mulkibayeva ay may anim na puntos mula sa tatlong attacks at tatlong blocks.

Pinangunahan ni Lam Shum ang Hong Kong sa kanyang 13 puntos at ni Nga Yee Leung na may siyam na puntos.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles