Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Hagupit ng Habagat: 8.1M apektado, 429 lugar binaha; malakas na ulan hanggang Martes

Halos 8.1 milyong indibidwal na ang apektado at 429 lugar sa Luzon ang binabaha habang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na magpapatuloy hanggang Martes, September 1, ang malakas na ulan na maaaring umabot sa 200 millimeters sa ilang lalawigan.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), katumbas ng 2.3 milyong pamilya ang mga apektadong residente. Ang mga binahang lugar ay nasa Ilocos Region, National Capital Region, Central Luzon at CALABARZON.

Tinatayang 13,000 indibidwal ang nananatili sa 533 evacuation centers, habang 12,600 pamilya ang naiulat na nasa labas ng mga evacuation center.

Umabot na rin sa ₱1.6 bilyon ang ayudang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development, mga local government unit at OCD sa mga pamilyang tinamaan ng pagbaha.

Sinabi ni OCD Deputy Administrator for Administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na nananatiling malawak ang epekto ng habagat, partikular sa Northern at Central Luzon.

Samantala, sa Weather Advisory No. 30 na inilabas ng Pagasa alas-5 ng umaga nitong Linggo, August 30, tinatayang 100 hanggang 200 mm ng ulan ang babagsak sa Ilocos Sur, Pangasinan, La Union, Benguet, Bataan, Zambales, Tarlac at Pampanga.

Nasa 50 hanggang 100 mm naman ang inaasahan sa Metro Manila, Ilocos Norte, Abra, Apayao, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas at Occidental Mindoro.

Sa Lunes, August 31, posibleng makatanggap ng 100 hanggang 200 mm na ulan ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Zambales at Bataan.

Nasa 50 hanggang 100 mm naman ang forecast sa Apayao, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.

Sa Martes, September 1, inaasahan ang 100 hanggang 200 mm na ulan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Benguet at Zambales. Nasa 50 hanggang 100 mm naman ang posibleng bumuhos sa Batanes, Apayao, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, La Union, Pangasinan, Tarlac, Bataan at Pampanga.

Nagbabala ang Pagasa na maaaring mas mataas ang rainfall sa mga bulubundukin at matataas na lugar. Posible ring lumala ang epekto sa mga lugar na nababad na sa mga naunang pag-ulan.

Samantala, isang low pressure area ang namataan 1,340 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon dakong alas-3 ng umaga.

Makakaranas ng monsoon rains ang Ilocos Sur, Pangasinan, La Union, Benguet, Bataan, Zambales, Tarlac at Pampanga, habang occasional rains ang inaasahan sa Metro Manila, Ilocos Norte, nalalabing bahagi ng Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas at Occidental Mindoro.

Kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon. Pulu-pulong pag-ulan naman ang posible sa Visayas at Mindanao, kung saan localized thunderstorms ang magiging sanhi ng pag-ulan sa Mindanao.

Patuloy ang banta ng flash flood at landslide, lalo na sa mga lugar na makararanas ng malakas hanggang matinding ulan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles