Natanggap na ang ABS-CBN Corporation ng P2 bilyon mula sa mga investor bilang bahagi ng P6 bilyong fresh capital na inaasahang magpapalakas sa finances ng media company habang nagpapatuloy ang pagbangon nito matapos ang ilang taong pagkalugi.
Hindi hiwalay na investment ang P2 bilyon kundi bahagi ng P6 bilyong equity infusion na napagkasunduan noong Agosto.
Sa halagang natanggap na, P1.5 bilyon ang nagmula sa private investment firm na I&C Holdings Corporation, na nangakong maglalagak ng kabuuang P3.5 bilyon.
Nagbigay naman ng tig-P100 milyon ang Lopez family investment companies na Crème Investment Corporation at Mantes Corporation, habang binayaran ng Lopez Inc. ang buong P300 milyong subscription nito.
Wala pang naiulat na advance payment mula sa Presta Holdings Company Inc., na may P666.67 milyong commitment.
Kapag nakumpleto ang P6 bilyong capital infusion, malaki rin ang magiging pagbabago sa ownership structure ng ABS-CBN.
Bababa sa 44.35 porsiyento mula 78.4 porsiyento ang ownership interest ng Lopez Inc., kaya mawawala ang majority stake nito sa media company.
Samantala, magkakaroon ang I&C Holdings ng 27.06 porsiyentong stake sa ABS-CBN kapalit ng P3.5 bilyong investment nito.
Aakyat naman sa 5.94 porsiyento mula 0.02 porsiyento ang stake ng Crème Investment, habang magkakaroon ang Mantes ng 5.93 porsiyento at Presta Holdings ng 5.15 porsiyento.
Kailangan pa ng ABS-CBN na makakuha ng approval para itaas ang authorized capital stock nito mula P1.5 bilyon patungong P4.5 bilyon upang magkaroon ng sapat na shares para sa capital infusion.
Nakatakdang pagbotohan ito ng stockholders sa September 30. Kakailanganin din ang approval ng Securities and Exchange Commission bago tuluyang makumpleto ang transaksyon.
Gagamitin umano ang bagong kapital para sa working capital, pagpapalakas ng balance sheet at iba pang corporate requirements. Ayon naman sa transaction documents, maaari ring gamitin ang proceeds sa pagbabayad ng past-due liabilities at pagbabawas ng outstanding bank debt. /Bistado


