Nasabat ang 30 rounds ng live ammunition para sa .45-caliber firearm at isang magazine mula sa backpack ng isang 59-anyos na lalaking pasahero sa Daniel Z. Romualdez Airport sa Tacloban City.
Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP), natukoy ang mga bala sa X-ray screening system ng paliparan habang naghahanda ang pasahero na sumakay ng flight patungong Manila.
Kinumpirma sa isinagawang manual inspection ang presensya ng 30 bala at magazine sa kanyang backpack.
Hindi umano nakapagpakita ang pasahero ng kinakailangang dokumento na nagbibigay sa kanya ng awtorisasyong magkaroon ng mga naturang bala at magazine.
Dahil dito, dinala siya sa kustodiya para sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Siniguro naman ng mga awtoridad ang mga nakumpiskang bala at magazine bago ini-turn over sa kaukulang unit ng Philippine National Police (PNP) para sa dokumentasyon at tamang disposisyon. /Bistado


