Nasira ang bahagi ng ilang dekada nang Aquino Bridge sa Tarlac City matapos hagupitin ng walang tigil na ulan at malakas na agos ng Tarlac River, ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Agad na isinara sa mga sasakyan ang tulay dakong 11:56 ng gabi noong Biyernes matapos matukoy ang pinsala. Nagsagawa naman ng inspeksyon ang DPWH–Tarlac 1st District Engineering Office bandang 12:10 ng madaling araw nitong Sabado.
Naglagay agad ng mga barikada at nagtalaga ng mga tauhan ang DPWH upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at masuri ang kondisyon ng istruktura.
Ipinatupad din ang traffic restrictions sa Molave Y-junction sa Barangay San Isidro. Hindi muna pinapayagang makadaan patungo sa tulay ang mga bus, trak at heavy equipment, ngunit nananatiling bukas ang kalsada para sa mga lokal na residente.
Pinayuhan ang ibang motorista na dumaan muna sa mga alternatibong ruta, kabilang ang Agana Bridge.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DPWH sa mga lokal na ahensya para maayos ang daloy ng trapiko. Isinasagawa rin ang masusing pag-aaral upang matukoy ang kinakailangang agarang pagkukumpuni sa nasirang tulay. /Bistado


