Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Papunta na tayo sa exciting part

Tapos na ang mahabang trailer.

Papunta na tayo sa exciting part ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Hindi dahil palabas ito. Hindi dahil dapat gawing teleserye ang pananagutan. Exciting ang bahaging ito dahil nagsisimula nang ilatag ang Article II—ang usapin ng umano’y unexplained wealth, hindi kumpletong Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at patuloy na business interests ng Bise Presidente.

Dito na papasok ang mga numero.

Dito na bubuksan ang mga rekord.

Dito na tatanungin: Saan nanggaling ang pera?

Unang humarap si retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang. Hindi siya ipinresenta upang sabihin agad na guilty ang Bise Presidente. Nilinaw mismo ng impeachment court na wala siyang personal knowledge sa mga partikular na transaksyon at hindi binding sa senator-judges ang kanyang paliwanag.

Ang trabaho niya ay ilatag ang mapa bago pasukin ang gubat.

Ipinaliwanag ni Tang kung kailan nagiging questionable ang yaman ng isang public official: kapag ang naipong ari-arian ay “grossly disproportionate” sa sahod, lawful income at kita mula sa lehitimong pag-aari.

Sa simpleng salita: Kung hindi tugma ang yaman sa ligal na kita, may karapatan ang batas na magtanong.

Hindi ibig sabihing guilty agad.

Ayon kay Tang, rebuttable ang presumption. Maaaring magharap ang opisyal ng ebidensya at katanggap-tanggap na paliwanag na legal na nakuha ang ari-arian. Kung maayos ang paliwanag, nawawala ang presumption.

Iyan ang mahalagang linya.

Hindi automatic conviction. Pero hindi rin puwedeng “wala lang” ang napakalaking discrepancy.

Ayon sa Article II, tumaas ang idineklarang net worth ni Duterte at ng kanyang asawa mula ₱7.25 milyon noong 2007 hanggang ₱88.51 milyon noong 2024. Tinataya naman ng prosecution na nasa humigit-kumulang ₱30 milyon ang lawful income na ginamit nito sa paghahambing.

May binanggit ding ₱6.771 bilyon sa pinagsamang covered at suspicious transactions na iniugnay ng AMLC records sa mga account ni Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Linawin natin: Hindi awtomatikong account balance o unexplained wealth ang kabuuang halaga ng mga transaksyon. Hindi rin awtomatikong krimen ang pagiging covered o suspicious transaction.

Iyan mismo ang dapat patunayan.

Aling pera ang tunay na pag-aari nila? Alin ang lehitimong kita? Alin ang dumaan lamang? Ano ang pinagmulan? Saan napunta? At bakit walang idineklarang cash on hand o cash in bank sa SALNs mula 2019 hanggang 2024, gaya ng alegasyon sa Article II?

Papunta na tayo sa exciting part.

Ipinaliwanag din ni Tang na maaaring tingnan ang ari-ariang nakapangalan sa asawa, anak o ibang tao upang maiwasan ang pagtatago. Ang tunay na may pakinabang—ang beneficial owner—ay maaaring iba sa pangalang nakalagay sa papel.

Iyan ang dahilan kung bakit hindi sapat ang linyang: “Hindi naman sa akin nakapangalan.”

Pero hindi rin sapat ang hinala.

Kailangan ang bank records. Kailangan ang tax records. Kailangan ang corporate documents. Kailangan ang malinaw na money trail.

Mahalaga rin ang sinabi ni Tang tungkol sa SALN. Ang isang omission ay hindi agad unexplained wealth. Dapat munang bigyan ang opisyal ng pagkakataong magpaliwanag kung honest mistake ba ito o intentional concealment.

Pero kapag paulit-ulit?

Sinabi niyang kung limang sunod na taon na hindi isinama ang isang property, maaari itong maging “badge” ng pagtatangkang magtago. Ang repeated omission, depende sa mga facts, ay maaaring magpakita ng intentional concealment at dishonesty.

Hindi na typo lang. Hindi na simpleng nakalimutan. Pattern na ang kailangang ipaliwanag.

Kasama rin sa Article II ang alegasyong hindi nag-divest si Duterte sa Metro City Chow Foods Corporation at nanatili umanong director, committee member at 20-percent stockholder mula 2022 hanggang 2025. Ipinaliwanag ni Tang na mas mahigpit ang constitutional restrictions sa Pangulo at Bise Presidente dahil mas malaki ang posibilidad ng abuse sa kanilang posisyon.

Ngayon, malinaw na ang rules ng laro.

Ang prosecution ang kailangang magdugtong sa batas, dokumento at aktuwal na transaksyon. Ang depensa naman ang kailangang magpaliwanag, mag-rebut at magpakita ng lawful source.

Hindi dapat manaig ang drama. Hindi dapat manaig ang apelyido.

Ebidensya laban sa ebidensya. Rekord laban sa paliwanag. Numero laban sa lawful income.

Tapos na ang legal explainer.

Ilabas na ang resibo.

Papunta na tayo sa exciting part. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles