Inilunsad ng Apple ang bago nitong iPhone Duo, ang kauna-unahang foldable phone ng kumpanya, na may presyong aabot hanggang P254,990 sa Pilipinas depende sa storage.
Mapapakamot-ulo sa presyo ang ilang Pinoy tech fans dahil nagsisimula sa P159,990 ang 256GB iPhone Duo. P175,990 naman ang 512GB variant, P207,990 ang 1TB at P254,990 ang pinakamahal na 2TB model.
Sa presyong mahigit isang-kapat na milyong piso, pwede nang itapat ang top-end iPhone Duo sa malaking down payment para sa ilang sasakyan o bahay.
Available ang iPhone Duo sa dalawang kulay: Night Sky at Star White.
Ito ang unang foldable iPhone ng Apple. Kapag nakabukas, mayroon itong 7.6-inch Super Retina XDR folding display na may nano-texture finish. Mayroon din itong 5.4-inch na outer display para magamit kahit nakatiklop.
Ayon sa Apple, 50 porsiyentong mas malaki ang inner display nito kumpara sa iPhone 18 Pro Max, habang mahigit 90 porsiyento ng screen area ng iPhone 18 Pro ang outer display.
Pinapagana ang iPhone Duo ng A20 Pro chip at dual-battery architecture. Kaya nitong umabot sa 31 oras ng video playback gamit ang inner display at hanggang 44 oras gamit ang outer display.
Mayroon din itong 48MP Dual Fusion camera system na binubuo ng 48MP Fusion Main at 48MP Fusion Ultra Wide cameras, kasama ang 12MP Center Stage front camera at under-display FaceTime camera.
eSIM-only worldwide ang device at gumagamit ng Touch ID sa side button sa halip na Face ID.
Kasabay ng iPhone Duo, inilunsad din ngayong Huwebes ng Apple ang iPhone 18 Pro at iPhone 18 Pro Max.
Nagsisimula sa P94,990 ang iPhone 18 Pro, habang P99,990 naman ang iPhone 18 Pro Max.
Para sa iPhone 18 Pro, nagkakahalaga ng P94,990 ang 256GB, P110,990 ang 512GB, P142,990 ang 1TB at P189,990 ang 2TB.
Sa iPhone 18 Pro Max, P99,990 ang 256GB, P115,990 ang 512GB, P147,990 ang 1TB at P194,990 ang 2TB.
Parehong gumagamit ng A20 Pro chip ang iPhone Duo at Pro models. Kabilang naman sa features ng Pro lineup ang 48MP Fusion Main camera na may variable aperture, redesigned Dynamic Island at next-generation vapor chamber.
“Coming soon” pa ang nakasaad na availability ng iPhone 18 Pro at iPhone 18 Pro Max sa Pilipinas, habang hinihintay din ang local availability ng iPhone Duo. /Bistado


