Pinaboran ng United Nations (UN) General Assembly ang paggamit ng mas patas na mapa ng mundo na nagpapakita nang mas tama sa magkakaugnay na laki ng mga kontinente—lalo na ang Africa.
Sa botong 164-1, inaprubahan noong Biyernes ang nonbinding na “Correct the Map” resolution na inihain ng Togo para sa 54-miyembrong African Group at sinuportahan ng African Union.
Estados Unidos lamang ang kumontra, habang nag-abstain ang Estonia, Georgia, Lithuania, Moldova, Serbia at Ukraine.
Hinihikayat ng resolusyon ang mga pamahalaan, paaralan, international organization, media at technology company na gumamit ng equal-area projections gaya ng Equal Earth kapag mahalaga ang paghahambing sa laki ng mga bansa at kontinente.
Hindi nito ipinagbabawal ang Mercator projection o inoobliga ang mga bansa na palitan ito. Hindi rin nito kinukuwestiyon ang paggamit ng Mercator sa maritime at aerial navigation.
“Maps shape our understanding of the world. They guide education, nourish the imagination, and influence collective perceptions,” pahayag ni Togo Foreign Minister Robert Dussey bago ang botohan.
Nilikha noong 1569 ng Flemish cartographer na si Gerardus Mercator ang naturang projection upang tulungan ang mga mandaragat na magplano ng ruta gamit ang tuwid na linya at hindi nagbabagong compass bearing.
Ngunit pinalalaki nito ang anyo ng mga lupaing malapit sa mga polo habang nagmumukhang mas maliit ang mga rehiyong malapit sa equator.
Sa karaniwang Mercator map, tila halos magkapareho ang laki ng Greenland at Africa. Sa katunayan, nasa 14 na beses na mas malaki ang Africa kaysa Greenland.
Ayon sa mga kritiko, napaliit rin sa pananaw ng publiko ang Africa, Latin America at South Asia, habang napalaki naman ang mga lugar sa hilagang bahagi ng mundo.
Binuo noong 2018 nina cartographers Tom Patterson, Bernhard Jenny at Bojan Šavrič ang Equal Earth. Mas tumpak nitong ipinapakita ang magkakaugnay na lawak ng mga lupain, bagaman may pagbabago rin sa kanilang hugis—isang limitasyong hindi maiiwasan kapag inilalatag sa patag na mapa ang bilog na mundo.
Itinutulak din ng resolusyon ang mas tumpak na mapping standards, pagbabago sa school curricula, pagtuturo tungkol sa limitasyon ng bawat projection, geospatial research at pagpapalakas ng kakayahan ng developing countries. Kasama rito ang training, technology transfer at mas malawak na access sa geospatial data.
“Today’s resolution promotes equal-area maps like Equal Earth across classrooms, media, and international institutions, ensuring the world map finally reflects Africa’s true scale, weight, and place in the world,” pahayag ng African Union.
Tinuligsa naman ng Estados Unidos ang resolusyon bilang bahagi umano ng ideological agenda.
“Resolutions like this and the ideological agenda they promote, are barnacles on our work here, and the reason this institution is losing its credibility,” pahayag ng kinatawan nito.
Plano ng Togo na palitan ang Mercator maps sa mga geography material ng mga paaralan bago matapos ang 2026. Kokonsultahin din nito ang mga miyembro ng African Union, iba pang pamahalaan at technology companies tungkol sa mas malawak na paggamit ng Equal Earth.
Inihayag naman ng France na gagamitin nito ang Eckert IV, isang equal-area projection na malapit sa Equal Earth.
Dahil hindi ligal na nag-uutos ang resolusyon, hindi agad mawawala ang Mercator. Malinaw lamang ang mensahe ng botohan: gamitin ang mapang angkop sa layunin at huwag ituring na neutral na larawan ng mundo ang isang projection na ginawa para sa paglalayag. /Bistado


