Natatandaan n’yo pa ba ang pasabog noong Enero tungkol sa P1-billion alok para patahimikin ang imbestigasyon sa flood-control scandal?
Ayon sa naging public account ng dalawang magkapatid na Remulla, isang “mutual friend” umano ng personalidad na sangkot sa kontrobersiya ang naglatag ng alok. Kapalit daw ng P1 billion, hihinaan o patatahimikin ang kaso para hindi maindict ang pinoprotektahan nitong kliyente.
Akala ng mga kabisto, mananatiling palaisipan kung kaninong kampo nanggaling ang bilyong panghimik.
Pero teka, mukhang may nadulas!
Ayon sa latest na bulung-bulungan, may kapatid daw ang isa sa mga nadadawit sa flood-control scandal na napakadaldal sa sarili nilang baluarte. Ipinangangalandakan umano nito na naglabas daw ang kanyang kapatid ng P1 billion para hindi na madawit at hindi na lumalim ang imbestigasyon laban dito.
Hindi million ha. Billion!
Ang tanong ngayon ng mga kabisto: Ito rin ba ang P1-billion attempt na ibinulgar noong Enero? O may panibagong round ng negosasyon matapos mabigo ang unang alok?
Sa ngayon, wala pang inilalabas na dokumento o opisyal na kumpirmasyong magpapatunay sa bagong bulong. Hindi rin malinaw kung ang kuwento ng madaldal na kapatid ay totoong impormasyon, pagmamalaki, o simpleng pagpapakitang malakas pa rin ang kapit ng kanilang pamilya.
Pero alam n’yo naman ang sikreto. Minsan, hindi investigator ang unang nakakabuking. Sariling kapatid na hindi kayang itikom ang bibig!
Clue? Ang kapatid ni talakera ay minsang umupo sa Mataas na Kapulungan.
Yun na. Bistado!


