Malakas ang bulung-bulungan ngayon ng mga kabisto tungkol sa isang neophyte mayor na umano’y nagwala sa city hall matapos makarating sa kanya na may opisyal daw sa national government na nagsumbong sa itaas.
Ang isyu? Kinakanya raw ni mayor ang libreng bigas program.
Ayon sa mga kabisto, uminit daw ang ulo ni mayor nang mabalitaan na may nakarating sa Malacañang tungkol sa umano’y credit-grabbing niya sa rice distribution. Ilang beses na raw kasi siyang nadokumento sa speeches at distribution sites na tinatawag itong “ating libreng bigas,” pero hindi malinaw na binabanggit na programa ito ng pambansang pamahalaan.
Kaya may mga nagtatanong: ano ba talaga ang turing ni neophyte mayor sa rice distribution – ayuda o image-building?
Mas lumala pa raw ang isyu dahil may reklamo rin mismo sa distribution. KKK daw ang peg: kakampi, kapamilya, kapartido. Hindi raw malinaw kung kailan, saan, at sino ang sakop ng susunod na pamumudmod. Walang malinis na public announcement. Walang malinaw na mechanics.
May isang kwento pa sa isang barangay na mas lalong nagpainit sa usapan. Ang bigas na una raw ipinaunawa na para sa PWDs at seniors ay naipamigay din umano sa ilang residente sa ilalim ng isang barangay figure na aktibo sa local politics.
Ayon sa isang kabisto, “care of” daw ito ng mga kagawad ng naturang barangay figure na tatakbo sa November barangay elections. Kung totoo, malaking tanong ito: bakit parang nagiging early campaign material ang national rice aid?
Dito pumapasok ang mas malaking problema. Kapag kulang ang malinaw na citywide announcement, pumapasok ang barangay networks. Kapag hindi malinaw ang listahan ng benepisyaryo, may puwang para sa palakasan. Kapag may jingle, photo ops, at political handlers, nawawala ang linya sa pagitan ng ayuda at kampanya.
At heto pa ang mas maingay na chika.
Isang beses daw, ayon sa isang city hall insider, umalingawngaw sa opisina ang pagmumura ni neophyte mayor laban sa nasabing national official na umano’y nagparating ng isyu sa taas. Hindi pa raw doon natapos, dahil sumawsaw pa ang asawa ni mayor at kinuwestiyon kung bakit nasa mataas na puwesto ang opisyal. “Party-party” lang daw umano ang alam nito, pahaging ni asawa.
Paano raw niya nasabi? Barkada daw kasi niya ang socialite jusawa ni national official.
Pero ayon sa mga kabisto, walang ebidensyang inilatag si asawa ni mayor. Puro barda lang daw, walang resibo.
Clue para sa mga gustong manghula: Bagitong mayor sa isang highly urbanized city. Malakas sa paandar, malakas sa visuals, at may asawang hindi rin tahimik sa local politics.
Yun na. Bistado!


