Nakatakda sa May 27 ang unang status conference sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), matapos pormal na umusad sa trial phase ang proceedings laban sa kanya.
Inanunsyo nitong Huwebes ng Trial Chamber III ng ICC na magpupulong ito para sa status conference sa kaso ni Duterte. Sa Order Scheduling First Status Conference na inilabas ng ICC, inatasan din ang parties, participants at Registry na magsumite ng kanilang submissions hanggang May 15.
Kabilang sa inaasahang submissions ang anticipated evidence, disclosure ng outstanding materials na nasa possession ng Prosecution, disclosure ng Defense, trial briefs, at iba pang agenda items. Layunin ng status conference na makatulong sa pagtatakda ng timeline ng trial.
Nauna nang binuo ng ICC Presidency ang Trial Chamber III noong April 24 para hawakan ang kasong The Prosecutor v. Rodrigo Roa Duterte. Binubuo ito nina Presiding Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.
Ayon sa ICC, ang Trial Chamber III ang mangangasiwa sa conduct ng trial. Ito ang magsasagawa ng status conferences, makikipag-ugnayan sa parties at participants para itakda ang petsa ng trial, at mag-aadopt ng mga procedure para sa fair at expeditious conduct ng proceedings.
Pumasok sa trial phase ang kaso matapos kumpirmahin ng Pre-Trial Chamber I noong Abril 23 ang lahat ng tatlong counts of crimes against humanity laban kay Duterte. Unanimous ang naging kumpirmasyon ng Pre-Trial Chamber I sa charges na isinampa ng Prosecution. /Bistado


