Mariing itinanggi ni Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo ang ulat na may P1.3 bilyong “appearance fees” umano para sa mga miyembro ng House Committee on Justice sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ay matapos lumabas ang ulat na may P650 milyon umanong inilaan para sa mga miyembro ng komite noong April at panibagong P650 milyon ngayong May.
“Walang katotohanan ang ‘appearance fees’ at mas lalong walang pilitan,” diin ni Garin.
Iginiit ni Garin na ebidensya, hindi pera o pressure, ang nagtulak sa 53-0 vote ng House justice panel para ideklarang may probable cause ang impeachment complaints laban kay Duterte.
“Mabigat ang ebidensya na iniharap laban sa pangalawang pangulo at hindi nya ito nasagot dahil pinili nyang maging absent sa lahat ng hearings kaya hindi na kataka-taka na nagkaisa ang boto para sa probable cause,” ani Garin.
Noong April 29, bumoto ang komite ng 53-0, walang abstention, para ideklarang may probable cause ang dalawang impeachment complaint laban kay Duterte. Kabilang sa mga isyung tinalakay sa proceedings ang confidential funds, unexplained wealth, at pagbabanta sa buhay ng Pangulo.
Para kay Garin, pagtatangka ang alegasyon na ilihis ang usapan mula sa ebidensyang nasa record ng komite.
“This narrative is meant to distract from the evidence. But the record is clear—the vote was based on facts, documents, and sworn testimony,” ani Garin.
“There was no pressure, no directive, and no money involved. What we saw was an independent body doing its constitutional duty,” dagdag niya.
Iginiit din ni Garin na hindi isusugal ng mga mambabatas ang kanilang kredibilidad sa walang batayang alegasyon.
“No member of the committee would compromise their integrity for something like this. Our votes are on record, and they are backed by evidence,” sabi niya.
Hinamon ni Garin ang kampo ni Duterte na harapin ang impeachment allegations sa tamang constitutional forum.
“If they have answers, they should present them in the impeachment process, under oath and backed by evidence. That is where issues are tested and resolved—not through speculation or public insinuations,” ani Garin.
Sa Lunes, May 4, muling magpupulong ang komite para aprubahan ang committee report na nagsasaad na may probable cause ang dalawang impeachment case laban kay Duterte. Target umanong maisalang sa plenaryo ang report sa May 11, kung saan 106 boto ang kailangan para maiakyat ang Articles of Impeachment sa Senado. /Bistado


