Nag-umpisa sa kumpiyansa. Tapos nauwi sa kalituhan.
Una, may pahayag ang Palasyo na hawak na ng mga awtoridad sa Czech Republic si dating congressman Zaldy Co. May kumpirmasyon pa na nasa kustodiya na. Malinaw ang tono. Parang tapos na ang habulan.
Pero ilang araw lang, umatras ang kwento.
Lumabas ang bagong pahayag. Ayon sa Department of Justice, wala na si Co sa Czech custody. Ibig sabihin, hindi na hawak. Sa ibang ulat, sinabing posibleng wala na talaga siya doon. May isa pang linya na nagsasabing nasa France na umano at naghahanap ng asylum.
Urong-sulong.
Dito na pumapasok ang malaking tanong: ano ba talaga ang totoong sitwasyon?
Kung babalikan ang mga ulat, malinaw na nagkaroon ng misfire sa koordinasyon. Ayon sa DOJ, hindi na hawak ng Czech authorities si Co sa oras na inaasahang kukunin siya. Samantala, kinumpirma rin ng ibang ulat na kailangan pang ayusin ang red notice sa Interpol, at nagpadala pa ng mas maraming dokumento para muling maiproseso ang paghahanap.
Ibig sabihin, hindi pa buo ang legal at koordinasyon na basehan habang gumagalaw na ang operasyon. At dito lalong nagiging kritikal ang tanong tungkol sa biyahe.
May mga ulat na nagpapakitang nagkaroon ng high-level movement mula sa panig ng gobyerno para tutukan ang kaso sa Europa. Pero kung hindi pa sigurado ang lokasyon, kung hindi pa plantsado ang Interpol coordination, bakit may ganitong level ng mobilisasyon?
Hindi biro ang gastos sa ganitong operasyon. Hindi biro ang pag-deploy ng resources sa ibang bansa. Sa ganitong sitwasyon, inaasahan na airtight ang impormasyon bago gumalaw. Pero ang nangyari, kabaligtaran.
May initial claim na nahuli. Tapos binawi. May pahayag na nasa custody. Tapos wala na. May direksyon papuntang Czech Republic. Tapos biglang France ang lumitaw sa usapan.
Hindi ito simpleng delay. Hindi ito normal na adjustment. Ito ay serye ng magkakasalungat na pahayag. At bawat pagbabago ng kwento, lumiliit ang kumpiyansa ng publiko.
Dagdag pa rito, mismong mga opisyal ang umamin na may naging kakulangan sa proseso. May pagkukulang sa impormasyon. May problema sa koordinasyon. Hindi kumpleto ang galaw bago ito isinagawa.
Kapag ganito ang admission, mas lalong nagiging mabigat ang tanong: bakit minadali?
Sa ganitong klaseng operasyon, ang bawat hakbang dapat nakaangkla sa verified intelligence, malinaw na koordinasyon, at kumpletong legal na proseso. Kapag may kulang kahit isa, pwedeng bumagsak ang buong operasyon.
At iyon ang nangyari.
Sa dulo, wala pa rin si Co. Hindi malinaw kung nasaan. Hindi malinaw kung paano nakalusot. Ang malinaw lang ay may nangyaring miscalculation.
Kaya hindi maiiwasang magtanong ang publiko: Kung hindi pa sigurado, bakit may kumpirmasyon na nahuli na? Kung hindi pa kumpleto ang dokumento, bakit may galaw na parang tapos na ang operasyon? Kung hindi pa malinaw ang lokasyon, bakit may mga pahayag na parang kontrolado na ang sitwasyon?
Maliban na lang kung may ibang layer na hindi nakikita ng publiko. Pero kung wala, ang nakikita ng tao ay simple. May anunsyo. May bawi. May galaw. May sablay.
At sa huli, isang obserbasyon ang tumatak sa isip ng publiko: Junket lang yata ang naganap. /Bistado


