Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Impeachment update: BIR box ni VP Sara, nanatiling sarado matapos ibasura ang mosyon sa Kamara

Nanatiling sarado ang kahon na naglalaman ng Bureau of Internal Revenue (BIR) records ni Vice President Sara Duterte, kanyang asawang si Manases Carpio, at kanilang mga kumpanya matapos mabigo ang mosyon na buksan ito sa House Committee on Justice.

Sa botong 38 laban sa 6 at walang abstention, ibinasura ng komite ang panukalang buksan ang tinaguriang “BIR box” sa gitna ng nagpapatuloy na pagdinig sa impeachment complaints laban sa Bise Presidente.

“The motion to open the box is hereby denied,” pahayag ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, chairperson ng komite, matapos ideklara ang resulta ng botohan.

Nauna rito, si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila De Lima ang naghain ng mosyon para buksan ang kahon, na sinasabing may mahalagang ebidensya kaugnay ng mga reklamo laban kay Duterte.

Nauna dito, dumalo sa pagdinig ang BIR Commissioner na si Charlito Mendoza noong April 22 para kumpirmahin ang pagsusumite ng mga dokumento ng ahensya hinggil sa Bise Presidente, kanyang asawa, at kanilang mga negosyo.

Gayunman, nilinaw ni Mendoza ang limitasyon sa pagbusisi ng mga dokumento. “We have submitted the documents subject to the condition that they be examined in an executive session, as provided by law,” aniya, sabay banggit sa Section 20 (a) ng National Internal Revenue Code.

Bago ang huling botohan, nagpasya rin ang komite na i-table ang usapin sa pamamagitan ng botong 21 laban sa 4.

Sa hiwalay na ulat, iginiit ni Luistro ang pag-iingat sa proseso habang patuloy ang pagtalakay sa probable cause.

“The motion to open the BIR box is denied,” muli niyang sinabi sa pagdinig, habang ipinunto na mananatiling sarado ang kahon habang sinusuri pa ang mga ebidensya.

Naging sentro ng diskusyon ang kahon na umano’y naglalaman ng mahahalagang rekord sa buwis, kung saan nagkakaiba ang posisyon ng mga mambabatas.

Sinabi ni Quezon Province Rep. David Suarez na mahalagang timbangin ang legal at praktikal na implikasyon ng pagbubukas nito. “Lahat naman tayo ay gustong malaman kung anong nilalaman…at kung ito ba ay makakatulong sa atin para makarating sa tamang desisyon,” aniya.

Dagdag pa niya, “Sa palagay ko, legally may sapat na tayong dahilan para buksan yan at malaman.”

Gayunman, nagbabala si Suarez sa posibleng epekto ng agarang pagbubukas ng kahon dahil sa mga nakabinbing kaso sa korte. “I would rather heed the call of the chairwoman…because for all we know, opening this box…might trigger another petition in the court,” aniya.

Sa huli, nanatili ang status quo, at hindi binuksan ang BIR box habang nagpapatuloy ang deliberasyon ng komite sa pagtukoy kung may sapat na basehan para iakyat ang impeachment case sa Senado.

Nagpapatuloy ang pagdinig sa impeachment complaints ng House Justice Committee laban kay VP Sara habang sinusulat ang balitang ito. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles