Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Pilipinas nagbabala sa food security risk sa gitna ng tensyon sa Middle East

Nagbabala ang Pilipinas sa lumalaking panganib sa seguridad sa pagkain sa Asia-Pacific, kasabay ng panawagan ng mas mahigpit na koordinasyon sa rehiyon, sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Sa Ministerial Segment ng 38th Session of the UN Food and Agriculture Organization Asia-Pacific Regional Conference (FAO APRC 38) sa Bandar Seri Begawan, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na ramdam na ang epekto ng geopolitical tensions sa global supply chains.

“Nagkakatipon tayo sa panahong ang tensyong geopolitikal sa Gitnang Silangan ay nagdudulot ng karagdagang panganib sa pandaigdigang ekonomiya at seguridad sa pagkain dahil sa pagkaantala sa eksport ng langis, gas, at pataba, na nagdulot na ng pagtaas ng presyo,” ani Tiu Laurel.

Ang APRC 38 ay isang biennial na pagpupulong ng mga ministro at matataas na opisyal mula sa 46 na bansa para talakayin ang mga polisiya sa pagkain at agrikultura. Sa agenda nito, isinulong ng Pilipinas kasama ang Japan, Thailand, Sri Lanka, Malaysia, New Zealand, at Australia ang usapin ng epekto ng 2026 conflict sa Middle East sa food security.

Isa sa mga pangunahing puntong tinutukan ay ang pagtaas ng presyo ng pataba at gasolina, na direktang nakaapekto sa produksyon at distribusyon ng pagkain. Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang pagmahal ng inputs ay nagdulot ng domino effect sa transportasyon at presyo ng pagkain.

Sa Pilipinas, mas tumitindi ang epekto nito dahil sa arkipelagong lokasyon ng bansa. Tumaas ang gastos sa transportasyon ng pagkain at naapektuhan ang pangingisda dahil sa mas mataas na operational costs.

Dagdag pa rito ang banta ng klima, kabilang ang posibleng mas malakas na El Niño sa huling bahagi ng taon, na maaaring makaapekto sa produksyon at suplay ng tubig.

Pinagtibay naman ng briefing ni FAO Chief Economist Máximo Torero ang mga pangamba, at binigyang-diin ang kahinaan ng global supply chains at ang pangangailangan ng koordinadong polisiya.

Inilahad ng Pilipinas ang mga hakbang para maibsan ang epekto, kabilang ang fuel subsidies para sa mga magsasaka at mangingisda, pagpapalawak ng logistics support, pamumuhunan sa cold storage at post-harvest infrastructure, at pagsusulong ng alternatibong pataba.

Isinusulong din ng bansa ang mas malawak na pagbabago sa polisiya sa pamamagitan ng “agri-food systems approach,” na hindi lang nakatuon sa produksyon kundi pati sa kita, nutrisyon, at kaunlaran sa kanayunan.

Kabilang sa mga prayoridad ang pamumuhunan sa rural infrastructure, climate-resilient farming technologies, makabagong financing mechanisms, mas mahigpit na koordinasyon sa lokal na pamahalaan, at inclusive value chains para sa kababaihan at kabataan.

Sa sidelines ng kumperensya, nakipagpulong din ang delegasyon ng Pilipinas sa Lao PDR at Vietnam para sa kooperasyon sa agrikultura at pagpapadali ng kalakalan.

Nauna sa ministerial meeting ang Senior Officials Meeting noong Abril 20 hanggang 22, na pinangunahan ni DA Undersecretary Atty. Asis Perez.

Pinangunahan naman ni Tiu Laurel ang delegasyon sa Ministerial Session noong Abril 23 hanggang 24.

Ang susunod na FAO Asia-Pacific Regional Conference ay gaganapin sa Lao People’s Democratic Republic sa 2028. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles