ISLAMABAD — Nabigo ang Iran at Estados Unidos na makabuo ng kasunduan para pahupain ang tensyon sa Middle East matapos ang high-level taks sa Pakistan, ulat ni US Vice President JD Vance.
Si Vance, na nanguna sa US delegation sa negosasyon, ay nagsabing iiwan na ng Washington ang usapan matapos ihain ang tinawag niyang “final and best offer” sa Iran.
Nilinaw ni Vance na pangunahing hinihingi ng US ang malinaw na pangako mula sa Iran na hindi ito magde-develop ng nuclear weapon. “We are seeking a fundamental commitment from Iran that it will not develop a nuclear weapon,” ani Vance. Ngunit dagdag niya, “we haven’t seen that.”
Ito ang pinakaunang face-to-face talks sa ganitong antas sa pagitan ng dalawang bansa mula pa noong 1979 Islamic Revolution. Tumagal ng ilang oras ang negosasyon na tinutukan ng international community dahil sa patuloy na tensyon sa Middle East.
Gayunman, hindi nagkasundo ang dalawang panig sa mga pangunahing isyu, partikular sa usapin ng nuclear program ng Iran.
Sa panig ng US, iginiit ni Vance na kailangan ang konkretong kasunduan para maiwasan ang paglala ng sitwasyon. Ngunit malinaw aniya na hindi sapat ang naging tugon ng Iran sa mga hinihingi ng Washington.
Sa ngayon, nananatiling walang kasunduan ang dalawang bansa, habang patuloy ang diplomatic efforts at pagbabantay ng international community sa susunod na hakbang sa negosasyon. /Bistado


