Matapos ang operasyon sa lung cancer, muling humarap sa publiko si Pope Leo XIV nitong Linggo at tiniyak na unti-unti na siyang babalik sa kanyang mga tungkulin sa Vatican.
Masigabong palakpakan ang sumalubong sa 71-anyos na Santo Papa nang lumitaw siyang walang alalay sa bintana ng Apostolic Palace upang pangunahan ang Sunday Angelus.
“Now that this delicate phase has passed…I will gradually resume my activities, always with the help of God and your prayers,” sabi ng Papa.
Nagpasalamat din siya sa mga nagdasal para sa kanyang paggaling at nagpahayag ng pakikiisa sa mga taong dumaranas ng karamdaman.
Na-diagnose si Pope Leo ng lung adenocarcinoma matapos alisin ng mga doktor ang bahagi ng kanyang kanang baga upang tanggalin ang cancerous tumor noong Martes.
Noong Sabado, nakalabas na siya sa Gemelli Hospital sa Rome matapos sumailalim sa blood tests at chest X-ray.
Ayon sa mga doktor, maayos ang kanyang paggaling ngunit hinihintay pa ang karagdagang test results upang matukoy kung kumalat ang cancer at kung kailangan ng panibagong paggamot.
Habang nasa ospital, nagpatuloy ang Papa sa ilang tungkulin, kabilang ang pakikipag-usap sa telepono kay Russian President Vladimir Putin noong Biyernes upang manawagan ng ceasefire sa Oleshky, Ukraine.
Samantala, sinabi ng kanyang surgeon na si Dr. Stefano Margaritora na walang nakikitang medical reason para hindi matuloy ang nakatakdang 12-araw na pagbisita ng Papa sa South America sa November.
Inaasahan din niyang ganap na makababawi si Pope Leo mula sa operasyon sa loob ng humigit-kumulang 10 araw. /Bistado


