Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Champi, super typhoon na ulit! Signal No. 3 posibleng itaas sa Northern Luzon

Muling lumakas bilang super typhoon ang Bagyong Champi habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR), kung saan inaasahang papasok ito sa Martes, October 20, na may dalang banta ng malakas na hangin at ulan sa Northern Luzon.

Ayon sa 5 p.m. advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Lunes, October 19, tatawaging Rosal ang bagyo kapag nakapasok sa PAR sa Martes ng umaga o maagang hapon.

Bandang alas-4 ng hapon, namataan si Champi sa layong 1,515 kilometro silangan ng Southeastern Luzon, sa labas pa ng PAR.

Taglay nito ang maximum sustained winds na 185 kilometers per hour (kph), bugso na hanggang 230 kph at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kph.

Umaabot sa 720 kilometro mula sa sentro ang malalakas na hangin nito.

Posible pang lumakas ang bagyo habang nasa Philippine Sea bago unti-unting humina simula Huwebes, October 22.

Inaasahang lalabas ito ng PAR sa Sabado, October 24.

Maaaring magtaas ng Tropical Cyclone Wind Signals sa hilaga at silangang bahagi ng Northern Luzon at ilang lugar sa Bicol Region simula Lunes ng gabi o Martes ng umaga.

Sa pinakahuling forecast, Signal No. 2 o 3 ang posibleng pinakamataas na babala, mas mababa sa naunang pagtayang Signal No. 3 o 4.

Magdadala rin si Champi ng malakas na ulan sa Extreme Northern Luzon, habang inaasahan ang malalakas na bugso ng hangin sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas, at ilang lugar sa Mindanao, simula Miyerkules.

Simula Martes, posibleng maging moderate hanggang rough ang alon sa hilaga at silangang baybayin ng Luzon, at sa silangang baybayin ng Visayas at Mindanao.

Pagsapit ng Miyerkules, maaaring lumala sa very rough hanggang very high seas ang kondisyon sa hilaga at silangang karagatan ng Luzon.

Posible ring maglabas ang Pagasa ng gale warning sa Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga.

Pinayuhan ang publiko na maghanda at bantayan ang mga susunod na weather advisories. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles