Kinumpirma ng Vatican na may lung cancer si Pope Leo XIV matapos sumailalim sa operasyon sa Rome, Italy nitong Martes, October 13, kung saan inalis ang ibabang bahagi ng kanyang kanang baga.
Ayon sa medical bulletin ng Vatican, matagumpay ang operasyon sa 71-anyos na Santo Papa at walang naitalang komplikasyon.
Natukoy sa pagsusuri na mayroon siyang lung adenocarcinoma, isang karaniwang uri ng lung cancer. Una itong pinaghinalaan sa mga pagsusuri bago ang operasyon at nakumpirma habang isinasagawa ang procedure.
Isinagawa ang operasyon sa Agostino Gemelli Hospital sa Rome sa pangunguna ni thoracic surgeon Dr. Stefano Margaritora.
Tumagal nang humigit-kumulang 90 minuto ang mismong operasyon, habang nasa operating room ang Papa nang halos tatlong oras.
Inalis ng mga doktor ang lower lobe ng kanang baga upang matanggal ang tissue na pinaghihinalaang may cancer.
Sinuri rin ang mga lymph node ni Pope Leo upang malaman kung kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan.
Hindi pa tiyak kung kakailanganin niya ng chemotherapy, immunotherapy o iba pang paggamot habang hinihintay ang karagdagang test results.
Naunang ibinunyag mismo ni Pope Leo noong Linggo na may natuklasang maliit na nodule sa kanyang baga sa isang medical examination. Sinabi niyang maaga itong natukoy at pinayuhan siyang sumailalim sa operasyon.
Ayon sa mga medical expert, mahalagang malaman ang stage ng cancer upang matukoy ang susunod na paggamot at posibilidad ng paggaling.
Samantala, sinabi ng Vatican nitong Miyerkules, October 14, na mapayapang nakapagpahinga ang Santo Papa sa ospital matapos ang operasyon.
Kinansela na ang kanyang public audiences hanggang October 20 upang makapagpagaling.
Hindi pa rin malinaw kung matutuloy ang nakatakda niyang pagbisita sa Uruguay, Argentina at Peru mula November 6 hanggang 17.
Sa kabila ng kanyang pagkakaospital, nananatiling pinuno ng Simbahang Katolika si Pope Leo XIV habang nagpapatuloy ang regular na operasyon ng Vatican. /Bistado


