Mary Grace Piattos is still alive.
Yan ang pahayag ng House Prosecution panel matapos linawing hindi pa tapos ang usapin sa confidential funds ni Vice President Sara Duterte kahit binawi na ng House prosecution ang naturang impeachment charge.
Iginiit ito nina House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua at private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. nitong Miyerkules, October 14, dahil nagpapatuloy ang hiwalay na pagsusuri ng Commission on Audit (COA) at Office of the Ombudsman.
“Ngayon, hindi ibig sabihin kasi ito ay hindi na dinesisyunan, ligtas na siya,” sabi ni Chua.
Noong Martes, tinanggap ng Senate Impeachment Court ang pagbawi sa Articles I, III at IV, kaya Article II na lamang tungkol sa unexplained wealth ang itutuloy laban kay Duterte.
Hindi na didinggin ng impeachment court ang tatlong binawing articles sa kasalukuyang trial, ngunit hiwalay dito ang mga posibleng pananagutan sa ilalim ng ibang batas.
“So it’s not accurate to say that she will no longer be held accountable for this matter,” ani Tolosa.
Tinukoy ni Chua ang desisyon ng COA na pinal na nagpatibay sa disallowance ng P73.287 milyong confidential fund spending ng Office of the Vice President (OVP) noong December 2022 dahil sa kakulangan ng sapat na dokumentasyon.
Kinuwestiyon din niya kung bakit hindi pa umano naibibigay ang kinakailangang dokumento mula nang lumutang ang usapin noong 2024.
Nilinaw niyang magkaiba ang impeachment at criminal proceedings.
“So hindi po sinasagot na ito kung siya ay guilty sa mga criminal offense. So ibang usapin po yan,” paliwanag ni Chua.
May mga plunder complaint na rin sa Ombudsman kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds. Hindi pa nangangahulugan ang mga reklamong ito na napatunayan nang nagkasala si Duterte.
Ayon kay Tolosa, maaari pa ring magamit sa hiwalay na imbestigasyon ang mga dokumento at testimonya na naiharap sa impeachment proceedings.
“All of the evidence that we’ve presented so far will not go to waste,” sabi niya.
Samantala, sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon na nananatiling sakop ng COA at Ombudsman proceedings ang mga pangalang lumitaw sa confidential fund records, kabilang si Mary Grace Piattos.
Hindi naman nito kinumpirma kung totoong umiiral ang naturang pangalan.
Ipinagtanggol din ni prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers ang trabaho ng kanilang panel matapos ang pagbawi sa tatlong charges.
“Palagay ko hindi na matatawaran yung sincerity ng prosecution team,” ani Barbers.
Sa ngayon, unexplained wealth na lamang ang hahatulan ng Senate Impeachment Court, habang hiwalay na haharapin ang mga usapin sa confidential funds sa COA at Ombudsman. /Bistado


