Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Aalis ka na lang, magbabayad ka pa? Thailand planong maningil ng 1,000-baht exit tax

Naloloka ang netizens sa panukalang departure tax ng Thailand na magpapabayad ng 1,000 baht o higit P1,870 sa bawat pasaherong aalis ng bansa sakay ng eroplano, turista man o Thai citizen.

Hindi lang iyan! May hiwalay pang planong 450-baht entry fee para sa mga dayuhang turista, bukod sa umiiral nang 1,120-baht o halos P2,100 airport passenger service charge.

Kapag parehong naaprubahan ang dalawang bagong singil, posibleng umabot sa 2,570 baht ang kabuuang travel fees ng mga foreign tourist na sakop ng tatlong bayarin.

Gayunman, panukala pa lamang ang entry fee at departure tax. Wala pang ipinatutupad na bagong singil sa ilalim ng dalawang proposal.

Sa draft Departure Tax Act, unang sisingilin ng 1,000 baht ang bawat air passenger na aalis ng Thailand, anuman ang nasyonalidad. May nakasaad ding maximum rate na 5,000 baht bawat biyahe.

Exempted muna ang mga aalis sa pamamagitan ng land at sea transport. Kabilang din sa proposed exemptions ang mga batang wala pang dalawang taong gulang, mga foreign heads of state, mga opisyal na panauhin ng Thai government, at mga kwalipikadong transit passengers.

Sa plano, airlines at ticketing agents ang maniningil ng departure tax kasabay ng pagbili ng ticket.

Target ng Thai Finance Ministry na makalikom ng karagdagang pondo at mapalakas ang kakayahan ng gobyernong tumugon sa emergencies.

Kung maisasabatas, magkakabisa ang departure tax 180 araw matapos mailathala sa Royal Gazette. Hindi sakop ang tickets na nabili bago ang effectivity nito.

Samantala, target ng Thailand Ministry of Tourism and Sports na maipatupad ang hiwalay na 450-baht tourist entry fee sa unang quarter ng 2027, depende sa Cabinet approval at legal requirements.

Gagamitin ang pondo para sa tourist insurance, pagpapaganda ng tourist destinations, pangangalaga sa likas na yaman at tourism infrastructure.

Kinontra naman ng Thai Travel Agents Association ang departure tax dahil may binabayaran nang airport charges ang mga biyahero at maaari itong makasama sa pagiging competitive ng Thailand bilang tourist destination.

Bukas hanggang October 29 ang public consultation ng Revenue Department sa proposed departure tax. Pwedeng magbigay ng komento o pagtutol ang publiko, kabilang ang mga dayuhan, sa opisyal na government consultation portal.

Wala pang aprubadong petsa para sa pagpapatupad ng 1,000-baht departure tax. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles