Aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagbibigay ng 2024 Performance-Based Bonus (PBB) sa mga kwalipikadong empleyado ng buong University of the Philippines (UP) System, na inaasahang matatanggap bago matapos ang taon.
Inanunsyo ito ni DBM Acting Secretary Kim Robert de Leon sa kanyang pagbisita sa UP Manila nitong Biyernes.
“You can expect to receive your FY (fiscal year) 2024 Performance-Based Bonus before the end of this year,” ani De Leon.
Ayon sa DBM, pagkilala ang bonus sa performance at kontribusyon ng mga kawani sa buong UP System.
Kasabay nito, inaprubahan din ang conversion ng 179 part-time faculty positions sa UP Manila para maging regular, gayundin ang reclassification ng limang faculty positions batay sa kanilang updated full-time status.
“If we want students to have a better future, we must also take better care of the people preparing them for that future,” dagdag ni De Leon.
Sa kanyang pagbisita, ininspeksyon din ng DBM chief ang Surgical Knowledge Intensive Learning Laboratory thru Simulation (SKILLS) ng UP College of Medicine at Skills and Simulation Laboratory ng College of Nursing.
Nagkakahalaga ng P45.8 milyon ang nursing simulation laboratory na may high-fidelity manikins at training rooms na kayang tumanggap ng tig-40 katao.
Samantala, hanggang 100 katao ang kayang tanggapin ng SKILLS facility para sa surgical training gamit ang endoscopic towers, operating microscopes at digital anatomy dissection tables.
Sinabi naman ni UP Manila Chancellor Dr. Michael Tee na makatutulong ang suporta ng gobyerno sa pagpapalakas ng edukasyon, medical research at healthcare services ng unibersidad, kabilang ang Philippine General Hospital.
Binigyang-diin ni De Leon na dapat sabayan ng suporta sa mga guro at kawani ang pamumuhunan sa modernong pasilidad.
“Free tuition opens the door. Quality education determines how far our students can go once they enter,” aniya. /Bistado


