Nakilala na ang 63 sa 77 kataong nasawi sa sunog sa MV June Aster sa karagatan ng Palawan noong September 9, habang sinisilip ang posibleng kasong kriminal laban sa mga tripulante, may-ari at iba pang responsable sa trahedya.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), 43 ang nasugatan at walo pa ang nawawala sa insidente.
Sa Palace briefing nitong Biyernes, October 16, sinabi ni BFP officer-in-charge Fire Chief Superintendent Wilberto Rico Neil Ang Kwan Tiu na iniimbestigahan ang posibleng kapabayaan sa pagkakarga ng mapanganib na kemikal at pagpayag na makapaglayag ang barko sa kabila ng problema sa makina.
“Automatically, it will be reckless imprudence resulting in multiple homicide, and at the same time violations of anti-graft and corrupt practices by those people in the government,” sabi ni Kwan Tiu.
Kabilang sa posibleng managot ang kapitan, chief mate, second mate, dalawang able-bodied seamen, safety officer, may-ari at mga opisyal ng barko, pati ang cargo contractor.
Batay sa imbestigasyon, orihinal na nakatakdang bumiyahe ang MV June Aster noong September 3 mula Batangas patungong Coron, Palawan, ngunit naantala ang pag-alis nito.
Ayon sa operator na Atienza Inter-Island Ferries Inc., masamang panahon at low tide ang dahilan ng pagkaantala. Gayunman, lumitaw sa imbestigasyon na may problema rin sa makina ang barko.
Habang nakaantala, patuloy umanong nagkarga ng cooking oil, asphalt at malaking dami ng calcium hypochlorite, isang reactive chemical na ginagamit sa disinfectants.
Inilagay umano ang calcium hypochlorite sa hulihang bahagi ng cargo deck, malapit sa engine room at katabi ng combustible asphalt.
Bandang alas-6:30 ng gabi noong September 9, sumiklab ang sunog habang bumibiyahe ang barko sa Strait of Coron.
Sinisilip ang posibilidad na natumba at naghalo ang mga kargamento dahil sa malalakas na alon, habang ang init mula sa engine exhaust ay maaaring nakatulong sa pagsiklab ng apoy.
“While the vessel experienced rough seas condition, natumba po ang mga cargo, and that comes the mixture of calcium hypochlorite and the asphalt,” paliwanag ni Kwan Tiu.
Ayon sa opisyal, posibleng nalanghap ng mga pasahero ang nakalalasong usok bago pa nila naramdaman ang init.
“Possibly po, bago nila naramdaman siguro ang init, they’re already suffocated considering the time is still at 18:30 so madilim po at gabi, baka nasa bunks nila kaya ho marami ang casualties — 77,” ani Kwan Tiu.
Nakikipag-ugnayan ang BFP sa Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority para matukoy kung bakit pinayagang bumiyahe ang barko at kung nasunod ang inspeksiyon at wastong pagkakarga ng hazardous materials.
Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog at posibleng pananagutan ng mga sangkot. Wala pang pinal na finding ng kriminal o administratibong paglabag. /Bistado


