Mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng pagkakataong makabili ng condominium matapos makipagtambalan ang Pag-IBIG Fund sa DMCI Homes para sa abot-kayang housing financing.
Sa memorandum of understanding na nilagdaan noong Biyernes, October 16, sa Makati City, hanggang 3,990 condominium units ang inaasahang magiging available sa Pag-IBIG financing kapag nakumpleto ang kinakailangang project accreditations.
Unang accredited project sa ilalim ng partnership ang Anissa Heights sa P. Zamora Street, Pasay City.
Sumasailalim naman sa accreditation ang 14 pang DMCI Homes developments, kabilang ang Allegra Garden Place, The Erin Heights, The Oriana, Verdon Parc, Alea Residences, Cypress Towers, Dansalan Gardens Condominiums, East Raya Gardens, Maricielo Villas, Mayfield Park Residences, Palm Grove Residences, Raya Garden Condominiums, Rhapsody Residences, Rosewood Pointe at Tivoli Garden Residences.
Sa ilalim ng programa, maaaring makakuha ang mga kwalipikadong Pag-IBIG members ng housing loan na hanggang P10 milyon.
Puwede ring pagsamahin ang kita ng borrower at hanggang dalawang co-borrowers para mapataas ang borrowing capacity. Hindi kailangang kapamilya ang mga co-borrower, basta pasado sa eligibility requirements.
Bahagi ang partnership ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program ng administrasyong Marcos, na naglalayong palawakin ang housing options para sa mga manggagawa at kanilang pamilya.
Gayunman, nakadepende pa rin ang loan approval sa kakayahang magbayad, kwalipikasyon ng borrower at mga umiiral na patakaran ng Pag-IBIG Fund. /Bistado


