Isinailalim sa yellow alert ang Visayas power grid nitong Huwebes, October 15, mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi dahil sa pagpalya ng dalawang malalaking coal-fired power plant at limitadong suplay ng kuryente mula Mindanao.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), hindi available ang Unit 3 ng Panay Energy Development Corporation (PEDC) at Unit 1 ng Kepco SPC Power Corporation (KSPC) dahil sa forced outages.
Apektado rin ang pag-angkat ng kuryente mula Mindanao matapos pumalya ang Unit 3 ng FDC Misamis Power Corporation.
Sumasailalim naman sa scheduled maintenance ang Unit 4 ng GNPower Kauswagan at Unit 2 ng Therma South Inc.
Dahil dito, nasa 2,557 megawatts (MW) lamang ang available capacity ng Visayas grid, habang inaasahang aabot sa 2,479 MW ang peak demand.
Bagaman mas mataas ang available capacity kaysa demand, kulang ito sa kinakailangang contingency reserve kaya nagdeklara ng yellow alert.
Ayon sa NGCP, anim na planta ang nagkaroon ng forced outage ngayong October, habang 21 iba pa ang hindi available mula pa noong 2021.
May 17 power plants ding nagpapatakbo sa mas mababang kapasidad, dahilan para umabot sa 645.6 MW ang kabuuang nawawalang suplay.
Nauna nang nagbabala ang energy officials sa posibleng yellow at red alerts sa Visayas dahil sa limitadong power capacity at epekto ng matinding El Niño.
Kabilang sa mga hakbang ang paggamit ng battery energy storage systems para madagdagan ang reserbang kuryente at maiwasan ang mas malawak na power interruptions. /Bistado


