Isinumite na ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso ang ₱7.2-trilyong proposed national budget para sa 2027, ang huling full-year spending plan ng administrasyong Marcos.
Ang panukalang National Expenditure Program (NEP) ay katumbas ng 21.7 porsiyento ng gross domestic product (GDP) at anim na porsiyentong mas mataas kaysa 2026 budget.
Ayon sa DBM, bahagi ng pagtaas ay para sa mas malaking National Tax Allotment (NTA) ng mga local government unit, ikaapat na tranche ng salary adjustment ng civilian government personnel sa ilalim ng Executive Order No. 64, dagdag-sahod ng military at uniformed personnel, at iba pang obligasyon ng gobyerno.
Pinakamalaking bahagi ang ₱2.456 trilyon para sa social services. Nakalaan naman ang ₱1.833 trilyon sa economic services, mas mataas nang ₱277.3 bilyon kumpara ngayong taon.
Aabot sa ₱1.06 trilyon ang consolidated health budget, katumbas ng 3.19 porsiyento ng GDP mula sa kasalukuyang 2.68 porsiyento.
Para sa infrastructure projects sa ilalim ng Build Better More program, inilaan ang ₱1.467 trilyon—katumbas ng 4.4 porsiyento ng GDP at mas mataas nang ₱178 bilyon kaysa 2026 General Appropriations Act.
Nanguna sa mga departamento ang basic education sector sa ₱976 bilyon o 13.55 porsiyento ng kabuuang proposed budget. Sinundan ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ₱644 bilyon.
Makakakuha naman ng ₱353.8 bilyon ang health sector, kabilang ang Department of Health, specialty hospitals at Philippine Health Insurance Corporation.
Nakalaan ang ₱332.5 bilyon sa Department of the Interior and Local Government; ₱328.8 bilyon sa Department of National Defense; ₱302.2 bilyon sa transportation sector; ₱261.7 bilyon sa agriculture agencies; ₱241.6 bilyon sa Department of Social Welfare and Development; ₱176.5 bilyon sa higher education; at ₱86.3 bilyon sa Judiciary.
Ibinaba rin sa ₱111.984 bilyon ang Unprogrammed Appropriations (UA), ang pinakamababang halaga sa NEP level mula 2019. Katumbas ito ng 1.6 porsiyento ng Total Expenditure Program—pinakamababang ratio mula 1991.
Pangunahing ilalaan ang UA sa pagbabalik ng fund balance na ini-remit ng Philippine Deposit Insurance Corporation noong 2024 at sa funding cover para sa foreign-assisted projects, alinsunod sa mga kondisyong itinakda ng batas.
Daraan pa sa deliberasyon at posibleng pagbabago sa Kongreso ang panukala bago maging 2027 national budget. /Bistado


