Ipinakita muli ng magkapatid na sina Carlos at Eldrew Yulo ang kanilang husay matapos makuha ang ginto at tanso, ayon sa pagkakasunod, sa floor exercise ng 13th Senior Artistic Gymnastics Asian Championships sa Sunyi, China nitong Sabado.
Ang nakatatandang si Carlos, 26, ay muling dinomina ang paboritong event sa pamamagitan ng halos perpektong pagtatanghal para sa iskor na 14.700 at gintong medalya.
Samantala, ang nakababatang kapatid na si Eldrew, 18, na ngayong taon pa lamang gumawa ng kanyang debut sa senior division, ay nagtala ng 14.300 para sa tanso.
Lumamang lamang ng 0.300 puntos si Shona Tsukiyama ng Japan na sumungkit ng pilak.
Mag-uuwi si Carlos ng USD2,000 (PHP121,000) at si Eldrew ng USD600 (PHP36,000).
“Maraming salamat po sa lahat ng sumuporta, naniwala, at nagdasal para sa akin sa buong laban po na ito. Hindi naging madali, pero sulit ang bawat sakripisyo, pagod at pagsubok,” ayon sa Facebook post ni Carlos.
Si Carlos, ang 2024 Paris Olympics double gold medalist at maraming ulit ng kampeon sa mundo, ay mas mahusay kaysa na-unang performance matapos magtala ng 14.430 upang manguna sa qualification group.
Si Eldrew naman ay nagpakita rin ng malaking pagbuti mula sa kanyang iskor na 13.600 para sa huling puwesto tungo sa finals.
Sa individual all-around, pumang-apat si Carlos na may 81.864 points. Top three sina Zhang Boheng (85.298) at Yang Haonan (82.398) ng China at si Miwa Teppei ng Japan (82.265).
Sa senior men’s parallel bars, pang-anim si Carlos (13.566). Samantala, umakyat sa podium sina Zhang Boheng ng China (14.933), Sunghyun Ryu ng South Korea (14.500) at Hung Yuan-hsi ng Taipei (13.800).
Sa senior men’s horizontal bar, pang-apat si Eldrew (13.833) at pang-lima si Carlos (13.500). Nag-medalya sina Tang Chia-hung ng Taipei (15.500), Zhang Boheng ng China (15.000) at Fusuke Maeda ng Japan (14.300).


