Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mga batang manlalaro, stats leaders ng PBA Commissioner’s Cup

Sina Jerrick Ahanmisi, Sedrick Barefield at Best Player of the Conference RJ Abarrientos ang ilan sa mga pinakamahusay na lokal na manlalaro sa katatapos na mid-season PBA Commissioner’s Cup, kung saan kampeon ang Barangay Ginebra.

Nanguna sina Ahanmisi (San Miguel Beer) at Barefield (Blackwater) sa una at ikalawang puwesto sa scoring department, na sinundan nina Abarrientos (Ginebra), Damian Chong Qui (Macau) at Robert Bolick (NLEX).

Si Ahanmisi ay nagtala ng average na 21.5 puntos kada laro noong nakaraang conference habang naglalaro pa para sa Terrafirma.

Tinapos niya ang conference bilang may pinakamaraming naipasok na 4-point baskets na umabot sa 12 at pinakamaraming field goals na may kabuuang 93.

Si Barefield ay dikit kay Ahanmisi sa average na 21.08 puntos kada laro. Kasunod niya si Abarrientos na may 19.96, si Chong Qui na may 19.83 at si Bolick na may 19.79.

Si Abarrientos ang 3-point king matapos makapagtala ng kabuuang 77 three-point field goals, habang nanatiling numero uno si Bolick sa assists na may average na 8.21 kada laro at pinakamaraming puntos mula sa free throw line na may kabuuang 74.

Nakisabay naman ang mga beterano na sina Ian Sangalang ng Magnolia at June Mar Fajardo ng San Miguel sa mas batang mga manlalaro matapos pangunahan ang liga sa field goal percentage at rebounding, ayon sa pagkakasunod.

Si Sangalang ang nagtala ng pinakamataas na field goal percentage sa 66.15 porsiyento, habang nanatiling hari ng rebounding si Fajardo sa average na 14.54 rebounds kada laro, kabilang ang pinakamataas sa liga na 5.08 offensive rebounds kada laro.

Patuloy na nanguna si Joshua Munzon ng Titan Ultra sa steals na may average na 2.92 kada laro, habang si Zavier Lucero ng Magnolia ang nanguna sa block shots na may 2.0 kada laro.

Si Jordan Heading ng TNT naman ang lider sa free throw line sa pamamagitan ng 92.85 porsiyentong shooting.

Nanguna rin si Bong Quinto ng Meralco sa 4-point arc sa bisa ng 55.56 porsiyentong shooting, habang ang kakampi ma si Chris Newsome ang pinakamahusay mula sa 3-point line sa 46.58 porsiyento.

Si Jenning Leung ng Macau ang nagtala ng pinakamataas na average sa minutong nilaro na may 40.51 kada laro, sinundan ni Ahanmisi na may 39.55 at ni Chong Qui na may 38.35.

Sa kabila ng maagang paglabas sa semifinals dahil sa napunit na Achilles tendon, nanguna pa rin ang dating TNT import na si Bol Manute Bol sa lahat ng imports sa puntos na may average na 35.88 kada laro at sa blocked shots na may 3.94 kada laro.

Sina Chris McCullough ng TNT at Commissioner’s Cup Best Import Justin Brownlee ng Barangay Ginebra ay pumwesto sa ikaapat at ikalimang puwesto sa talaan ng mga nangungunang scorer, ayon sa pagkakasunod.

Nag-average si McCullough ng 31.9 puntos kada laro, kasunod si Brownlee na may 31.62.

Ang TNT import ang nagtala ng pinakamaraming minutong nilaro na may average na 41.59 kada laro, habang pumangalawa si Brownlee sa average na 41.19 minuto kada laro.

Sina Brownlee at Abarrientos ay maglalaro para sa Gilas Pilipinas sa huling window ng Fiba World Cup Asian qualifiers. Kasalukuyang may 2-2 rekord ang Gilas.

Haharapin ng Pilipinas ang New Zealand sa Auckland sa Hulyo 3 at ang Australia sa Perth sa Hulyo 6.

Ngayong Lunes, may open practice at sendoff ang Gilas sa Playtime Filoil Centre sa San Juan City simula 8 p.m.

Nais ni Ginebra at Gilas head coach Tim Cone na makarating sa Auckland isang Linggo bago ang laban upang masanay sa lamig.

“We want to go down there a little early and try to catch up to the weather. It’s about 12, 13 degrees,” ani Cone.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles