Lumakas pa ang determinasyon ni coach Yeng Guiao na wakasan ang isang dekadang paghihintay ng Rain Or Shine para sa titulo sa Philippine Basketball Association (PBA).
Ang dahilan: Binigyan ang beteranong coach ng contract extension sa Elasto hanggang 2030.
Personal na dumalo ang top management ng Rain Or Shine, na pinamumunuan ng mga co-owner na sina Raymund Yu at Terry Que, nang lagdaan ni Guiao ang kanyang bagong kontrata sa koponan na tinawag nyang kanyang tahanan.
“Ito na talaga ‘yung pinaka-bahay ko sa coaching,” ani Guiao. “Parang pamilya ang turingan namin ng Rain Or Shine management.”
Nakuha ng Elasto Painters ang kanilang ikalawa at huling kampeonato sa PBA noong 2016 Commissioner’s Cup kontra Alaska, 4-2.
Sampung taon ang lumipas, nasa tamang landas ang koponan para makamit ang kanilang layunin dahil kasalukuyan itong nangunguna sa Group B tangan ang 4-2 kartada bago ang conference break.
Nasa four-game winning streak ang Rain Or Shine na nais nitong pahabain sa Oktubre 9 laban sa kulelat na Barangay Ginebra (2-4) sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
“Susuklian namin ng mas higit pang sipag, mas higit pang effort para mapasaya natin ang mga (Rain Or Shine) fans,” ani Guiao, na nagbigay na sa koponan ng dalawang PBA championships — ang isa noong 2012 Governors’ Cup — at anim na runner-up trophy.
Dahil sa contract extension sa Elasto Painters, pinakamahabang pananatili na niya ito sa isang koponan bilang PBA coach, na lalampas sa kanyang siyam na taong sa Red Bull na umalis sa liga bilang Barako Bull matapos ang 2010 season.
Nagpasalamat ang 67-anyos na si Guiao, na dating vice governor at congressman ng Pampanga, sa patuloy na pagtitiwala sa kanya ng management.
“Very thankful to Boss Raymund (Yu) and Boss (Terry) for the extension of my contract,” ani Guiao matapos ang pirmahan. “That means hanggang 2030 tayo dito. Salamat sa pagtitiwala, salamat sa pagsuporta.”
Huling may laro ang PBA noong Agosto 14 bago nagpahinga upang bigyan-daan ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup qualifiers at Nagoya Asian Games.


