Sa pagbabalik sa aktibong tungkulin ng kanyang ama na si Paolo Tancontian bilang pinuno ng Pilipinas Sambo Federation, tiniyak ng world champion na si Sydney Sy ang kanyang paglahok sa 11th Asia-Oceania Sambo Championships na magsisimula sa Hunyo 23 sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Bilang world no. 1 sa women’s +80-kilogram division, malaking dagdag sa kampanya ng bansa ang inaasahang paglahok ni Sy sa kontinental na paligsahan na ginaganap sa ilalim ng pangangasiwa ng National Sports Tourism Inter-Agency Committee.
“Thank God, my father’s health has greatly improved and is now addressing the details of the tournament so I can now focus on taking part in the competition,” ani Sy, na kinailangang alagaan ang kanyang ama at gampanan ang mga tungkulin sa pag-organisa ng torneo.
Ang 27-anyos na si Sy, tubong Davao City, ang defending champion sa heavyweight matapos talunin para sa ginto si Buyanzaya Ser-Ochir ng Mongolia ika-10 edisyon sa Tashkent, Uzbekistan noong nakaraang taon.
Nagwagi rin ng ginto sa women’s -80kg combat class ang kapwa world No. 1 na si Aislynn Yap.
“I have already seen the draw in my weight class and, with the help of the hometown crowd, we believe we have a strong chance of becoming the champion once again,” ani Sy, na pinamumunuan din ang International Sambo Federation Athletes’ Commission.
Magiging maganda ang laban ng Pilipinas, ayon kay Tancontian. Tinatayang 500 atleta mula sa 31 bansang kasapi ng Sambo Union of Asia and Oceania ang dadagsa sa bansa para sa anim na araw na torneo.
“Malaking bagay na makakalaro ang aking anak na si Sydney. Malaking inspirasyon siya sa national team at sa bayan. Kapag nandiyan siya, iba talaga ang kumpyansa ng atleta natin,” diin niya.
Sinabi ni Tancontian na ito rin ang dahilan kung bakit abot-kaya ang presyo ng tiket para sa apat na araw na kompetisyon sa halagang PHP100 bawat isa.
“We made the ticket price very affordable for sports fans because this event will not only be a treat in watching the best of our grapplers from Asia and Oceania in action, but also a chance to root for our own grapplers as well,” ani Tancontian.
“Pagkakataon na natin ito para suportahan ang ating magagaling na atleta ng sambo para sa karangalan ng ating bayan.”
Ayon kay Tancontian, ang mga hindi makakapanood nang personal ay maaaring tumutok sa sambo.live website at sa Facebook Live ng opisyal na mga pahina ng Philippine Sports Commission at Pilipinas Sambo Federation.
Dati ng sinabi ni national samba coach Ace Larida na handa na ang lahat ng miyembro ng Team Pilipinas.
“They all aim to excel and make the country proud,” ani Larida sa isang press conference.
Bukod kina Sy at Yap, malaki rin ang pag-asa sa medalya nina world No. 7 Joemarie Torres sa women’s 50kg; Jason Palmes and Jarred Pamor sa 58kg sport sambo class; Godwin Langbayan sa 66kg combat sambo division; Vincent Navares sa -71kg sport sambo category; at Angelo Salla sa -71kg combat sambo division.


