Nasa fighting mood na naman si Willie Revillame matapos nitong kontrahin ang claim ng isang dati umanong ‘intern’ sa ABS-CBN na nagbigay ng kuwento sa isang blog show tungkol sa kanyang kakaibang ugali at asal kapag nasa programa.
Ayon sa nagpakilalang dating production intern, inabutan na daw niya ang pinaiiral na patakaran sa dating show ni Willie sa ABS-CBN na “Wowowee” tungkol sa umiiral umanong tila “batas” na bawal sa sinumang staff ang tumingin o lumapit sa host. At higit lalong kausapin si Willie.
Sey ng naturang intern, “Bawal mo siya tingnan. Production intern ako within the studio at that time. Huwag mo siyang lalapitan. Kapag magkakasalisi kayo, umiwas ka ng tingin talaga.”
Kahit pa nga daw ang makasalubong mo ito sa hallway ng ABS-CBN, makasabay sa elevator o anywhere na may presence ang aktor-host ay kailangang ikaw na ang iiwas para wala ng isyu.
May mga ilang netizen namang tila nagpa-totoo sa claim ng dating intern at may mga nag-share din ng halos same story dahil naging mga intern din umano sila.
Sa naging pahayag ni Willie sa PEP at sa ilan pang social media outlet, ay nagpaliwanag ito.
“Una, hindi ko po alam na OJT o mayroong naka-intern diyan na mga estudyante. Hindi ko po alam yan. Hindi ako nakikipag-usap diyan.”
Ipinaliwanag din ni Willie na limitado umano ang access sa backstage area ng kanyang show at wala siyang nakakasalubong na interns dito.
Sa patuloy nitong pahayag, bumuwelta si Willie na kahit lumipat na siya ng ibang istasyon ay walang ganung patakaran silang pinaiiral.
Kait pa nga daw noong nasa GMA 7 siya ay never na nagkaroon ng ganung sistema lalo’t limitado daw talaga ang ‘access’ sa backstage, o sa ilang mga hallway ng anumang studio, mapa-GMA o TV5 o kahit nga noon sa ABS-CBN.
Pinatotohanan naman ito ng mga tao behind the production na talagang walang access ang sinuman sa entry o exit ng mga talents at artists maliban sa mga direktang nagpapatakbo ng show.
“Kahit nga yung mga guests at audience, mayroon silang ibang entrance o exit at may naka-toka lang na tao to handle them. Hindi naman talaga puwedeng pakalat-kalat ka sa studio mapa-intern ka man o may ginagawa sa production. Yun ngang mga direktor, camera men etc, ay may kanya-kaniya lang silang teritoryo kumbaga. Ilang mga tao lang ay nabibigyan gn access sa ganun,” dagd pa nilang paliwanag.
Sa paliwanag pa ni Willie ay hinamon nito ang nagpakilalang intern at pinagsabihan na, “paano mo masasabing bawal akong tingnan, e, lahat nga ng makikita ko niloloko ko, binibiro ko. Sino ba tong batang ito? Alam mo, ikaw, bata ka pa lang sira-ulo ka na. Bawal daw akong tingnan? E, hindi nga kita kilala, e, hindi ka namin nakita. Tsaka wala kaming OJT na pinapapasok diyan.
Direkta ding nag-address si Willie sa socmed world na mas maging mapanuri sa mga ini-interview na mga sources nila at huwag maging peddler ng fake news.
“Babalik lang ang Wowowin, sisiraan niyo pa ako. Babalik ho ang Wowowin para makatulong sa mga kababayan nating hirap sa buhay ngayon. Gumagawa na nga ng paraan,” ang tila may tunog na hinanakit na pagsagot ni Willie sa mga naging akusasyon sa kanya.


