Yellow alert na naman ang Visayas grid nitong Tuesday dahil manipis ang power reserve habang mataas ang demand at hindi available ang ilang generating units.
Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), epektibo ang yellow alert mula 3 p.m. hanggang 9 p.m.
Nasa 2,691 megawatts ang available capacity ng Visayas grid, habang inaasahang papalo sa 2,594 megawatts ang peak demand.
Ipinatutupad ang yellow alert kapag hindi sapat ang available capacity para sa contingency requirement ng grid.
Iniugnay ang alerto sa forced outage ng units 1 at 2 ng Therma Visayas Inc. at unit 3 ng Panay Energy Development Corporation.
Dagdag pa ng NGCP, nadagdagan ang kapasidad na hindi magamit sa rehiyon dahil sa 21 power plants na naka-forced outage mula pa noong 2021.
May 10 power plants din na tumatakbo sa derated capacity, o mas mababa sa normal na output.
Dahil dito, umabot sa 846.3 megawatts ang kabuuang unavailable capacity sa Visayas grid.
Inatasan naman ng Department of Energy at Energy Regulatory Commission ang NGCP na magsumite ng kumpletong report sa outage ng ilang power plants mula noong nakaraang linggo.
Ayon sa Department of Energy, nagpapatuloy ang full investigation sa tripping ng dalawang major transmission lines noong nakaraang linggo, na nagdiskonekta ng capacity mula sa Luzon grid. /Bistado


