Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Vice Ganda sa UP grads: Huwag gawing sandata ang edukasyon para manlinlang

QUEZON CITY – Mula sa entablado ng University of the Philippines Diliman College of Media and Communication (UP CMC), ginamit ni Vice Ganda ang sariling kuwento ng kahirapan, galit, trabaho, at pag-ahon para hamunin ang bagong graduates: huwag gawing kasangkapan ng korapsyon, kasinungalingan, at impunity ang edukasyong natanggap nila.

Si Vice Ganda, na tunay na pangalan ay Jose Marie Borja Viceral, ang guest of honor sa recognition rites ng UP CMC Class of 2026 noong July 5 sa UP Film Center, o Cine Adarna, sa Quezon City. 

May 181 students na nagtapos, kabilang ang 120 graduates na may Latin honors. Tema ng seremonya ang “dagitab,” o spark.

Nagsimula si Vice sa biro, gamit ang trademark humor at pagbating “Wazzup madlang iskolar!” Pero agad ding inamin na matindi ang bigat ng pagsasalita sa harap ng graduates ng pambansang pamantasan.

“Simula’t sapul, pangarap ng nanay ko na makaranas ako ng college graduation. Kaya naman Nay, heto na… I made it. I made it, Nay, at sa UP pa! Kapag nga naman naglaro ang tadhana, hindi ako nag-UPCAT, wala akong student number, pero tingnan mo nandito ako ngayon na parang ako pa ang summa cum laude. Pero hindi man ako ang cum laude, at least kasing yaman ko naman si Small Laude,” Vice said.

Sentro ng talumpati niya ang “dagitab” na nagmula sa sugat ng kahirapan. Ikinuwento niya ang hindi makapagbayad ng school fees, hindi makasali sa Christmas parties dahil walang pambili ng regalo, at kawalan ng pamasahe.

Ibinahagi rin niya ang mas madilim na karanasan ng kanyang pamilya matapos mapatay ang kanyang ama at hindi naituloy ang paghahanap ng hustisya dahil wala silang pera para pabalik-balik sa city hall.

“Trigger warning, kwento ng karahasan. Naranasan niyo bang mapaslang ang tatay ninyo, pero hindi kayo nakakuha ng hustisya dahil wala kayong pamasahe sa paulit-ulit na pagpunta sa city hall kaya ipinagpasa-Diyos niyo na lang? Naranasan ko ’yun. Naranasan ng pamilya ko ’yun.”

Pero ayon kay Vice Ganda, hindi siya winasak ng mga karanasang iyon. Ginising siya ng mga ito.

“In my case, these experiences did not break me. It started a spark inside of me. These experiences made me realize that I did not want to be poor. So I decided I would not continue to be poor. I know I needed to stand up, to step up, to hustle, to work very hard. Hindi ako sigurado kung saan at kung paano pero kailangan kong magsimula,” she said.

Mula rito, lumipat siya sa mas malawak na sugat ng lipunan: ang sistemang nagpapahirap sa mahirap at nagpapagaan sa makapangyarihan.

“Mahirap maging mahirap dahil simula’t sapul tayo ay pinamumunuan ng pamahalaan na walang maayos na sistema kung mapagaan ang pamumuhay ng bawat Pilipino. Sa bansang ito, wala kang ibang aasahan kundi ang sarili mo,” said Vice.

“Napakapalad ko dahil ang kasipagan ko ay dinikitan ng swerte. Maraming Pilipino ang mahusay ngunit hindi makausad dahil mas malaki pa ang gastos kaysa sa sweldo. Six hundred plus, may kaltas pa—’yan ang kita ng pangkaraniwang manggagawa depende kung saang rehiyon ka. Pero humigit-kumulang P300,000 ang sweldo ng senador na hindi pumapasok araw-araw at nawawala,” she added.

Tinira rin niya ang health care system kung saan mas delikado ang magkasakit kapag mahirap.

“Sa Pilipinas, nanganganib ang buhay mo kung ikaw ay magkakasakit at mapupunta ka sa ospital na walang kama, walang espasyo at walang aparato. Ang mga pulitiko? Gamit ang mga pera mula sa kinaltas sa buwis natin, sa Singapore tatakbo kapag may sakit dahil doon kumpleto ang serbisyo. Slay,” Vice said.

Ayon kay Vice Ganda, hindi aksidente na pumapasok sa kanyang comedy ang social at political issues. Para sa kanya, ang pagpapatawa ay pwede ring pangkalampag.

“Ilang beses man akong sabihan at pigilan, nakakatakot man pero pinilit kong ipaloob ang temang ito sa aking komedya. Ang tahasang magsalita sa aking programa, baka lumikha ito ng dagitab upang patapangin ang iba pang gising, at gisingin ang mga natutulog nang mahimbing at wakasan ang sistema at pamamayagpag ng mga nang-aabuso,” she said.

Mas naging malinaw daw ito sa kanya nang mawala ang prangkisa ng ABS-CBN sa gitna ng pandemya.

“Sa gitna ng ingay at kaguluhan, sa pagbaluktot ng mundong napapalibutan ng misinformation, ng mga lingkod-bayan na nagnanakaw sa taong-bayan, ng sistema na nagtanggal sa prangkisa ng aming network na kumitil sa napakaraming trabaho at kabuhayan, doon ko higit na naunawaan na ang aking saysay ay higit pa sa pagpapatawa, sapagkat ang aking mikropono na hawak ng aking kamay ay ang aking kapangyarihan,” said Vice.

“At kaakibat nito ang pananagutan ko sa aking mga tagasubaybay, ang tamang paggamit sa aking boses at plataporma.”

Dagdag niya: “Magpapatawa at papalakpakan, pero kakalampagin din ang sistema.”

Sa graduates, ibinigay ni Vice Ganda ang pinakamatinding bilin: malaki ang inaasahan sa kanila dahil galing sila sa UP, pero hindi para manggulo, manlinlang, o magtago ng pananagutan.

“Much is expected of you because you are the product of the country’s premier university. You are expected to spark change, change not chaos. You are expected to share your education, not disinformation,” Vice said.

“Hindi kayo ang magsisimula ng korupsyon. Hindi kayo ang maghahasik ng kasinungalingan. Hindi kayo ang magliligaw at magmamanipula ng opinyon ng publiko. Hindi kayo ang magpapasimuno ng impunidad. Hindi kayo ang magtatakip sa mga dapat managot sa batas tulad ng ibang mga pulitiko na nagtapos sa unibersidad na ito gaya ni Senator…”

Tumigil siya bago banggitin ang pangalan, na sinundan ng tawanan at palakpakan.

“Basta alam niyo na ’yun. Sasabihin ko sana kaya parang may nakita akong pulang ilaw sa noo ko.”

Tinapos ni Vice Ganda ang talumpati sa hamon na gamitin ng graduates ang sariling “dagitab” hindi lang para sa career, kundi para sa bayan.

“Sa kaibuturan ng inyong mga puso at kaisipan, tuklasin ninyo ang nananahang diyan, tahimik ngunit makapangyarihan ninyong dagitab. Nawa’y ito ang magsisilbing liwanag na hindi lang kayo dadalhin sa tagumpay sa inyong mga karera kundi magbubukas ng mas maliwanag na kinabukasan para sa iba. Punuin ninyo ng dangal at husay ang bayan, ang mundo, at ang inyong henerasyon sa paraang alam at kaya ninyo,” sabi ni Vice. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles