Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

UP 2-0 na; NU bumawi sa UE

Nahablot ng University of the Philippines ang liderato ng UAAP Season 89 men’s basketball matapos tambakan ang kapitbahay na Ateneo de Manila University, 94-75, nitong Sabado.

Unang tinalo ng UP ang University of Santo Tomas, 92-85, noong Setyembre 13.

Best Player of the Game si James Payosing na umiskor ng 16 puntos at may tatlong rebound para sa Fighting Maroons na hawak ang 2-0 kartada.

Sa unang laro sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, bumawi ang National University matapos dominahin ang University of the East, 76-56.

Sa unang panalo ng Bulldogs sa dalawang laro, nagtala si Kenshin Padrones ng 11 puntos at pitong rebound, habang nagdagdag si PJ Palacielo ng siyam na puntos at 12 rebounds.

Nalasap ng UE ang ika-22 sunod na pagkatalo na nagsimula pa sa second round ng Season 87 noong Oktubre 2024.

“Hindi pa rin ito ‘yung resultang gusto namin,” ani NU coach Jeff Napa, na galing sa 89-87 pagkatalo sa De La Salle University noong nakaraang linggo.

“Kailangan lagi kaming all out. Nung first game, marami kaming lapses na dapat itama, pero nung second half, masyado ulit kaming nag-relax.”

Nagtala rin si Mo Diassana ng 12 puntos at 12 rebounds, habang gumawa si Reinhard Jumamoy ng 12 puntos, apat na rebound at tatlong assist para sa Bulldogs, na lumamang nang hanggang 23 puntos.

Nagtangkang humabol ang Red Warriors at napaliit ang lamang sa 12 puntos pagsapit ng fourth period, sa pangunguna ng 11 puntos ni Toper Lagat at siyam na puntos at apat na rebound ni Lance Sabroso.

Nagtala rin si Olamilekan Ajini ng double-digit performance para sa UE na may 11 puntos, 10 rebounds, dalawang block at isang steal, habang tig-anim na puntos sina Gene Carillo at Mo Tanedo.

Sa U16 tournament, pinutol ng UE ang three-game run ng Far Eastern University-Diliman matapos ang 83-65 panalo.

Nakisalo ang FEU sa UE sa ikalawang puwesto na may 3-1 kartada.

Pinangunahan ni Kurt Mercado ang Junior Warriors na may 17 puntos, limang rebound, dalawang assist at isang steal, habang sina Mark Redulfa at Xerone Dixon ay kapwa nagtala ng tig-10 puntos.

“I was not thinking about my scoring. I was more focused on us playing as a team, though I’ll still play my own game. The confidence being given to us by coach Paolo [Hubalde] is also really high,” ani Mercado.

Sa iba pang mga laro, tinalo ng University of Santo Tomas ang Ateneo, 90-78; at pinabagsak ng UP Integrated School ang Adamson University, 76-71.

Umakyat ang UST sa 2-2 habang nanatiling walang panalo ang Ateneo sa apat na laro. Ang UPIS ay may 1-2 kartada habang bumagsak ang Adamson sa 1-3.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles