QUEZON CITY – Arestado ang isang 23-anyos na lalaki matapos rumesponde ang Philippine National Police (PNP) sa isang tawag sa Unified 911 tungkol sa nawawalang motorsiklo sa Quezon City.
Noong May 5, nakatanggap ang Police Station 5 (PS5) ng Quezon City Police District ng report mula sa Unified 911 system. Ang complainant ay isang 27-anyos na lalaking residente ng Barangay Greater Fairview.
Sa pagsusuri ng CCTV footage, natunton ng mga pulis ang kaugnay na galaw bandang 4:00 a.m. ng parehong araw. Agad nagsagawa ng tracking operations ang PS5.
Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na CCTV backtracking at forward tracing, natukoy ang suspect na kilala sa alyas na “Pangga,” residente ng Barangay North Fairview.
Naaresto siya bandang 4:30 p.m. sa harap ng No. 36 Datsun Street, Barangay Greater Fairview. Narekober din sa operasyon ang ninakaw na motorsiklo.
Ang Unified 911 ay public safety service sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government na pinamumunuan ni Secretary Juanito Victor C. Remulla Jr.
Na-process ang suspect at itinurn over sa District Tactical Operations Center para sa documentation at inquest proceedings.
Isasampa ang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa paglabag sa Republic Act 10883, o New Anti-Carnapping Law of the Philippines. /Bistado


