Hindi dapat makalimutan ng publiko ang mga ebidensiyang iniharap laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ibinagsak ng House prosecution ang tatlo pang impeachment charges at piniling Article II na lamang ang ituloy sa paglilitis, ayon kay Manila Rep. Joel Chua.
“Iprenisinta na po itong isa, nang sa ganun, eto po ’yung huling matatatak po sa mga tao,” sabi ni Chua nitong Huwebes, October 15.
Ayon sa kongresista, isinasaalang-alang ng prosecution hindi lamang ang bigat ng ebidensiya kundi kung aling kaso ang mas madaling maintindihan ng publiko.
“So, marami po kaming kinonsider. At isa nga po dito, mas gusto namin na mag-focus na lamang sa isa, dahil tingin namin, ito pong article na ito ang mas madaling maunawaan ng ating mga kababayan.”
Nauna nang binawi ang impeachment articles tungkol sa confidential funds, bribery at grave threats matapos makumpleto ang presentasyon ng prosecution sa unexplained wealth.
Nakasentro ang Article II sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs), bank accounts, tax filings at business interests ni Duterte na ginamit upang suportahan ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman.
“Nga lang po, ito po kasi, eh, numero po ang pinag-uusapan, at mas madali pong maunawaan ng mga kababayan natin,” ani Chua.
Binigyang-diin niyang hindi lamang mga senator-judge ang dapat makaunawa sa impeachment proceedings kundi pati ang publiko.
Nababahala rin ang prosecution na maaaring mawala ang interes ng mga tao habang nakatigil ang trial nang tatlong linggo bago magpatuloy ang defense presentation.
“So, siyempre, ang gusto nila, mawalan ng interest ang mga kababayan dito. Dadaan na ito, tatlong linggo ito, medyo matagal itong mawawala sa atin,” sabi ni Chua.
“Pagkatapos po niyan, eh, baka nga next year, makalimutan na ng mga kababayan natin kung ano yung mga naipresenta namin,” dagdag niya.
Article II na lamang ang natitirang impeachment charge laban kay Duterte. Wala pang pinal na desisyon ang Senate Impeachment Court sa alegasyon ng unexplained wealth. /Bistado


