Tapos na ang apat na araw na welga sa Padcal mine ng Philex Mining Corp. sa Benguet matapos magkasundo ang kumpanya at unyon sa dagdag-sahod na aabot sa P75 kada araw, back pay at P3,500 signing bonus.
Naabot ang settlement noong Miyerkules, October 14, sa pagitan ng Philex at National Mines and Allied Workers Union (NAMAWU) Local 101 sa tulong ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB).
Sa kasunduan, may P23 daily wage increase na retroactive sa January 2, 2025, dagdag na P22 simula January 2, 2026, at P30 sa January 2, 2027.
Kabuuang P75 kada araw ang dagdag-sahod pagsapit ng 2027.
May P3,500 signing bonus din ang rank-and-file employees sa Padcal mine sa Tuba, Benguet at Poro Point facility sa La Union.
Ayon sa Philex, ibibigay nang isang bagsakan ang back pay at bonus isang linggo matapos ma-ratify ang bagong collective bargaining agreement (CBA).
May dagdag ding P1 daily incentive para sa blasters at load-haul-dump operators, kaya magiging P11 na ito.
Kasama rin ang dalawang incandescent light bulbs bawat taon, pagpapatuloy ng existing benefits at pakikipag-ayos sa Diocese of Baguio tungkol sa miscellaneous fees sa Philex Mines Elementary School at St. Louis High School–Philex.
Nagsimula ang welga noong October 11 matapos mabigo ang wage negotiations. Sa strike referendum noong September 22, 757 sa 863 union members na bumoto ang pumabor sa work stoppage.
Iginiit ng unyon ang dagdag-sahod dahil sa tumataas na gastusin, habang binanggit ng Philex ang financial at operational constraints.
Sinabi ng kumpanya na nagpatuloy ang mining at processing operations sa kabila ng welga.
Pumayag din ang Philex na tanggaping muli sa trabaho ang lahat ng nagwelgang manggagawa.
Sakop ng bagong CBA ang January 2, 2025 hanggang January 1, 2030, ngunit kailangan pa itong pormal na lagdaan at ratipikahan.
Isusumite ang draft CBA sa October 19, susundan ng union revisions sa October 21, pormal na paglagda sa October 26 at ratification vote sa October 30.
Kapag na-ratify, isang linggo ang hihintayin bago maibigay ang back pay at signing bonus. /Bistado


