Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Unang seaweed bioreactor ng DA, inaasahang mapapalakas ang export at ani

Gagamit ang Department of Agriculture (DA) ng biotechnology upang palakasin ang seaweed industry at isa sa pinakamalaking agricultural exports ng Pilipinas.

Inilunsad sa National Seaweed Technology Development Center ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Sorsogon ang kauna-unahang seaweed bioreactor ng bansa.

Papalitan nito ang ilang dekadang laboratory process na gumagamit ng improvised na bote, manual aeration at limitadong propagation techniques.

Nagkakahalaga ng P10 milyon ang automated 1,250-liter bioreactor, habang P12 milyon naman ang inilaan sa karagdagang modular seaweed bioreactors.

Sa pamamagitan ng teknolohiya, makokontrol ng mga scientist ang liwanag, nutrisyon at temperatura na kailangan sa paglaki ng seaweed. Mas mabilis at maramihan ding makagagawa ang BFAR ng malusog, dekalidad at disease-free propagules.

Ipamamahagi nang libre ang planting materials sa mga seaweed farmer sa buong bansa upang mapataas ang ani at mabawasan ang pagkalugi mula sa mahina o madaling kapitan ng sakit na seedlings.

“Ito ang matagal na nating hinihintay ng ilang dekada,” ani BFAR Chief Aquaculturist Ida Capacio. “Noon, nagtitiyaga kami sa improvised o gawa-gawang sistema. Ngayon makakalikha na kami ng mabilis at  de-kalidad na propagules dahil sa SBRs. Ang pangarap namin para sa Philippine seaweed industry ay naging totoo na sa wakas.”

Halos 20 taon nang naglilingkod si Capacio sa center. Para sa kanya, matagal nang kailangang pondohan ang industriyang mahalaga sa ekonomiya ngunit nahaharap sa limitadong suporta.

Unang ipapadala ang propagules sa Zamboanga, Palawan at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao. Susunod ang Cebu, Iloilo, Camarines Sur, Camarines Norte at Masbate.

Sasanayin muna ng BFAR ang mga farmer upang mapataas ang survival rate at ani ng mga propagules.

“Ito ang unang  uri ng pasilidad sa Pilipinas. Makakalikha na tayo ng seaweeds propagules kung kailan kailangan sa halip na  maghintay ng panahon para tumubo,” ani Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr.

Pang-apat ang Pilipinas sa pinakamalalaking seaweed producer. Isa rin ito sa pangunahing supplier ng carrageenan-bearing seaweeds na ginagamit sa food processing, pharmaceuticals, cosmetics at industrial products.

Pinag-aaralan na rin ng DA ang pagtatayo ng bioreactor facilities sa Palawan at Mindanao at pagpapalawak ng pananaliksik sa seaweed para sa pagkain, gamot, industriya at organic fertilizer. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles